Binubuhay ang tanga | Bandera

Binubuhay ang tanga

Lito Bautista - March 31, 2014 - 12:35 PM

SA wakas, tama ang militar. Laos na ang komunista at isinasakay na lang sa tsubibo’t pambobola ang arawang obrero, ang taumbayan sa pamamagitan ng pagpapanggap at pagbabalat-kayo na makabayan sila (ang tunay na makabayan ay noong 1872 at ipinanganak ang mapagkunwaring makabayan noong 1896 at dumami pa ang mga apo sa talampakan, hanggang kuko, ngayon).

Kailanman ay hindi magiging makabayan ang komunista dahil ang kanilang puso’t damdamin ay nakasuso kay Mao Tse-tung, ang ayaw magising sa kaunlaran ng kapitalismo at kalayaan.

Kailanman, ang mga komunista sa lehislatura ay di nakatulong para mapagkasya ng arawang obrero ang kanyang minimum wage.

Kailanman, ang mga komunista sa lehislatura ay di nakatulong para ibsan ang taggutom dahil halos kalahati na ng Tondo ang nabubuhay sa pagpag.  Ayaw ninyong maniwala?

Kailanman ay di nadama ng mga komunista sa lehislatura ang kahirapan sa Tondo dahil hindi sila bumababa sa trono at bagkus ay tinatanaw ang kanayunan sa Isabela, Abra, Aurora, Quezon, Samar at ilang lalawigan sa Mindanao na kinukunsinti pa ang New People’s Army.

Tama ang militar. Laos na ang NPA dahil ginugunita na lamang nila ang ika-45 anibersaryo ng kanilang pangingikil sa negosyo at hindi na ito ipinagdiriwang ng taumbayan, na nagpapalamig sa mall para maibsan ang init ng panahon, nagdo-DOTA, atbp.

Abala sa napakaraming bagay, pati na ang pamumulot ng basura, kesa ipagdiwang ang anibersaryo ng NPA na mismong lumilipol sa sariling hanay nila (oo nga naman.

Matagal nang dedma sa bagay na ito ang Commission on Human Rights.  Na ang ibig sabihin ay maraming komunista rin sa CHR, na pinasusuweldo pa ng arawang obrero, ng taumbayan.  Susme).

Mali ang militar at nagkamali si Armed Forces chief Gen. Emmanuel Bautista  sa pagtaya na hindi na magtatagal ang NPA sa loob ng limang taon.  “After five years, they (NPA) will be irrelevant.

They won’t even last for five years.  Their focus now is extortion,” ani Bautista.  Walang personal (huwag nang sabihing opisyal dahil hindi opisyal ang opisyal na pahayag sa AFP kundi kuru-kuro lamang ng naliligaw na mga opisyal) na pananaliksik si Bautista.

Nakalulungkot na hindi alam ni Bautista na may mga opisyal ng LGUs (gobernador, mayor) na nagkakanlong ng NPA para matugunan at matustusan ang personal at pampolitika nilang pangangailangan.

Nakalulungkot na mahina ang “intelligence” ni Bautista sa Abra, Mindoro, Quezon, Samar at Mindanao dahil narito mismo ang malinaw na proteksyon na ibinibigay sa NPA.  Tama si Jovito Palparan.

Hindi magtatagumpay ang AFP sa NPA kung protektado ito ng mga politiko.Pinatay ng kanila mismong mga kasama sina Romulo Kintanar, ang nagtatag ng NPA; Hector Mabilangan, Popoy Lagman, at libu-libo pang mga kadre.

Ang pamamaslang sa kapwa ang dahilan kung bakit hinuli sina Benito Tiamzon at Wilma Austria.  Murder din ang dahilan kung bakit hinuli ang buntis na si Andrea Rosal, anak ni Gregorio, ang Batanguenong kumander ng Melito Glor, na matagal kinanlong ng mga politiko sa Quezon.

Kung nagsasaliksik lamang si Bautista, matutunghayan niya na mismong mga pulis ang kumakanlong sa NPA sa Bondoc Peninsula, at ito’y kuwento’t patotoo ng mga retiradong heneral at koronel ng PNP at AFP.  Bakit pahapyaw, at pangkalahatan kung tukuyin, ni Bautista ang akusasyon na sangkot at nangunguna ang NPA sa maraming ilegal?

Nahihiya ba siya? Natatakot ba siya? Kapuri-puri ang Ikalawang Aquino, ang anak nina Ninoy at Cory, sa pagtugis sa mga pinuno ng NPA (hindi na tutugisin ang mga pinuno ng komunista dahil nasa lehislatura na sila at wala pang kilalang lider na nananako pagka-senador, bagaman maraming senador ang nakikisimpatiya sa kanila).

Bagaman nakakulong na sina Tiamzon, Austria at Rosal, kailangang gumulong ang paglilitis sa kanila, tulad ng ginagawa kay Gloria Arroyo.  Sana’y sinsero si Pangulong Aquino sa paglaban sa NPA, di tulad ng nagpalaya kay Jose Maria Sison.

Sana’y hindi sasakay sa tsubibo ng panliligaw ng NPA si Aquino na ngayon ay nakapagtatakang nananawagan ng peace talks pagkatapos mahuli ang kanilang mga lider gayung sila mismo ang lumayas sa negosasyon.

Sana’y maging matatag si Aquino na huwag nang palolokong muli sa NPA; at sana’y hindi rin siya isinakay sa tsubibo ng mga Moro.

Sana’y huwag nang pumayag si Aquino sa peace negotiation sa NPA, sa komunista.  Dahil kung bubuksan ang negosasyon sa mga manliligalig na mangingikil na pumapatay ng patraydor, malaking pabigat na naman ito sa arawang obrero, sa taumbayan.

Sila ang gagasta sa negosasyon, pagkain, pamasahe, bayad sa mga magtatala ng maraming pagpupulong, overtime, atbp.  Magandang pakinggang ang peace talks, peace negotiation.

Ang masakit, at pinakamasakit, ay hindi kukunin sa personal na yaman ni Aquino ang gastos dito.  Ito’y tutustusan ng puwersahang buwis na kinukuha mula sa arawang obrero, taumbayan, kahit ayaw ito ng abang mga naghahanapbuhay (wala naman silang magagawa kundi balisbisan ng luha ang pang-aapi ng mayayaman, ng komprador).

Gaganti ang NPA, tulad ng ginawa nila sa Lopez, Quezon; Las Navas, Northern Samar; Calbiga, Samar; Surigao del Sur; Prosperidad, Agusan del Sur.

Kung walang magawa ang PNP at AFP sa sunud-sunod na paghihiganti ng traydor na NPA, minamalas talaga ang arawang obrero, ang taumbayan.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Ang pinasusuweldo nilang mga pulis, sundalo’t opisyal ay mga tanga at bobo pala.

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending