HANGAD mo pala na maging susunod na pangulo ng Republika ng Pilipinas (RP, pero ginawa ng matatalinong hunghang na PH, Phil at Phils, kaya hindi na nga isang bansa), kapalit ng Ikalawang Aquino.
Mabuti naman at may pagdakila ka pa rin at, higit sa lahat, ay pagmamahal sa bansang inilugmok ng kawalan ng ginagawa, ng benggansa’t paghihiganti, ng pagbibigay pansin sa lovelife na hindi kailanman kikiligin ang balana dahil hindi nila maramdaman ang pintig ng matandang binata, o soltero, atbp.
Madali ang mangarap. Libre pa nga ang mangarap. Hindi bawal ang mangarap nang mataas, ng matayog, na sa panghimagas pa lamang ay talagang di na kayang abutin, at imposibleng gawin kahit na ikaw ay si Superman.
Kung tutuusin, ang pangarap ang nagpapagalaw sa mundo, nagbibigay inspirasyon sa batang isipan na hindi pa nababahiran ng kasamaan, kamunduhan, korapsyon at kasalanan; o nakukulayan ng dilaw, na bukod sa masakit sa mata sa ilalim ng matinding sikat ng araw ng Pilipinas, ay alanganin pa, at higit na alanganin, kung ikukumpura sa kulay ng 1872 (nakatatawa na ang dilaw ay kinopya pala sa kanta sa Amerika, susme).
Ang pangarap ay nagpapalakas ng loob, at tuhod, kahit alam na wala namang karanasan sa pamamahala (managerial skills), kaya sige, sugod, paglingkuran ang boss mo. Ang susunod sa pangarap ay ang pagpapalaot.
Pero, malaki ang alon sa laot. Nagngangalit ang karagatan sa poot ng arawang obrero, ng taumbayan, dahil pagkatapos ng apat na taon ay wala palang paglilingkod na ginawa ang anak nina Ninoy at Cory (kung tutuusin, muli, ay wala ring paglilingkod na ginawa ang ina at isinadlak pa ang bansa sa brownout, at pinatindi pa at naging blackout, ng bugtong na anak na lalaki).
Kung walang ginawa, at nagawa, si Noynoy, kundi ang ipakulong sina Gloria Arroyo, Benjamin Abalos, Sergio Valencia, atbp., gayun din ba ang gagawin mo para papanagutin ang mga nagkasala sa taumbayan?
Hindi mo rin ba sila papayagang magpagamot sa ibang bansa at ibilanggo na lang kahit bagsak na ang kalusugan at unti-unting kinakain na at pinahihirapan ng karamdaman? O papanagutin mo sila dahil malinaw na ninakaw nila ang pera ng arawang obrero at nagpasasa’t nagpasarap sila sa buhay gamit ang buwis ng taumbayan?
Kung papanagutin mo sila, hindi ka ba mangingimi sa mga apelyidong Aquino, Abad, Abad, Abad, Drilon, Tupas, Purisima, Purisima, Soliman, Mendoza, Belmonte, Villanueva, Biazon, Petilla, Quimbo, Evardone, Ginez, Revilla, Estrada, Enrile, Alcala, Abaya, Torres, Honrado, Sereno, De Lima, atbp.?
Kung walang ginawa, at nagawa, si Noynoy, para maibsan at mapigilan ang baha, ipahuhukay mo ba, sa wakas, ang Laguna de Bay para maibsan na ang baha at hindi na bahain ang Metro Manila?
Tutugunan mo na ba agad ang mga binagyo tulad ng nagdurusa, hanggang ngayon, na mga biktima nina Yolanda, Santi, Sendong at Pablo? Hindi ka na ba mananabon at maninibak ng taga PAGASA dahil lamang nakasagutan nito ang makapangyarihang bayaw?
Itataas, at hindi na ibibimbin, mo na ba ang suweldo ng mga kawani ng PAGASA at hindi na hihintaying sila ay magprotesta sa kanilang lunch break dahil hindi ibinigay ang nararapat sa kanila? Magtatalaga ka ba ng kalihim ng Department of Interior and Local Government na hindi palaaway at uuriratin pa ang apelyido dahil nagkataong ito ay Romualdez at hindi Aquino?
Magtatalaga ka ba ng kalihim ng Department of Social Welfare and Development na namahagi ng pera ng arawang obrero sa ilalim ng conditional cash transfer sa hindi naman mahihirap at doble-doble pa para lamang sa isang tao o pamilya?
Na, hanggang ngayon, ay walang pang kuwentas klaras kung saan napunta ang pinakahuling sentimo ng pera ng arawang obrero? Kakausapin mo ba ang pahirap na rebelde sa gobyerno sa ibang bansa at bibigyan pa sila ng pera na mula sa arawang obrero at taumbayan?
Sasabunin mo ba at sisisihin ang mga sundalo na namatay sa pagtugis sa mga rebelde at kaaway ng pamahalaan? Kakanlungin mo ba at ipagtatanggol ang bobong mga opisyal ng militar at pulisya dahil lamang lubos at higit at pagtitiwala mo sa mga ito?
Kakanlungin mo ba ang miyembro ng iyong Gabinete na mahilig manood ng piniratang DVD at kung mamili nito ay higit sa isa—higit sa isang dangkal (kaya pala nahinto na ang raid sa mga pamilihan ng piniratang DVD)?
Magtatalaga ka ba ng kakampi at labis na pinagkakatiwalaan sa Bureau of Customs para higit na lumakas ang smuggling, bahain ang Divisoria at mga mall ng smuggled goods mula sa China at sablay sa koleksyon buwan-buwan, taun-taon?
Kukunsintihin mo ba ang tamad na Senado at Kamara na konti lang ang ipinasang batas sa termino ng iyong panunungkulan at ang tanging malaking batas na naipasa ay ang pagpapaliban ng eleksyon at pagdedeklara sa malunggay na pambansang gulay?
Kawawa ang arawang obrero, na tinawag pang “Kayo ang boss ko,” kung ipagpapatuloy mo ang tuwid na daan. Maawa ka naman sa mga anak at apo mo, kung ayaw mong kaawaan ang iyong sarili. Higit sa lahat, nakamasid ang Panginoon sa iyo, kung may takot ka pa sa Diyos.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.