NAKAISMID at ngiting aso lang ang beteranong mga opisyal ng Quezon City Police District hinggil sa sinapit ni Senior Supt. Conrado Capa. Ang sinapit ni Capa ay may katulad na nangyari sa ilang pulis ng Anonas Station noong dekada ’80. May hinuli silang ilang sangkot sa droga. Pero, sinabon sila ng isang mataas na halal na opisyal ng city government at inilipat pa ng puwesto. Na-bangketa ang kaso at ngayon ang umarbor sa kaso ay tinitingala na at isa sa matataas na opisyal ng gobyerno.
Inamin ng retiradong opisyal ng pulisya, na naging opisyal noon ng Capital Command, na malakas, at brutal, ang impluwensiya ng mga politiko sa PNP. Sa labas ng Camp Crame ay hindi mapupuna ang brutal na politika. Pero sa loob ng kampo, ang kilos ng mga opisyal ay kailangang may kumpas ng politiko. Ito rin ang dahilan kung bakit ampaw sa paglaban sa krimen ang liderato ng pulisya.
Ang pagpasok ng maraming bilang ng AK-47 ay bunsod ng kamay ng politiko. Hindi sana ito halata sa umpisa, pero dumami ang pumasok na AK-47. Bawal ang AK-47 sa sibilyan, pero puwede sa mga opisyal ng militar at PNP, nasa serbisyo man o retirado na. Puwede ring magdala ng AK-47 ang isang kabarilan.
Brutal na ang politika sa Crame ngayon. Nagpaparamdam na ang papalit kay Alan Purisima, na magreretiro sa 2015. Pero, kung ang tatanungin ay ang junior officers, dapat na raw palitan si Purisima at dapat ay maaaga na itong magretiro dahil wala naman itong nagagawa para maging ligtas ang pamumuhay ng taumbayan. Ayon sa junior officers, malas si Pangulong Aquino sa magaling na pulis. Teka, ayaw niyang ilagay sa puwesto ang magagaling na pulis. At hindi naman lihim sa Crame kung sinu-sino ang magagaling na pulis.
Sa Tacurong City, ayon sa Texter ng Bandera, takot ang ilang sibilyan na ireklamo ang ilang abusadong pulis. Mga bata sila ng mabangis na politiko rito.
Sa Caloocan City, hinuli ng masigasig na pulis ang anak ng makapangyarihang politiko, na “panginoon” ng mga sindikato ng droga. Nabaligtad ang pulis at siya pa ang kinasuhan. Ang kawawang pulis, hindi man lang ipinagtanggol ng kanyang hepe.
Ang akala ng senior citizens sa Caloocan City ay mararamdaman na nila ang kalinga ng gobyerno ngayong bago na ang mayor. Hindi pala ito malalapitan at mas matindi pa kay bigote. Kawawa ang mga naging senior citizens noong Enero. Hanggang ngayon ay wala pa silang ID at di pa alam kung kailangan darating ang booklet ng mga naging senior citizens noong 2013.
MULA sa bayan (i-text sa 0917-8446769): Kawawa naman ang mga biktima ng kalamidad dahil hanggang ngayon ay hindi pa nila natatanggap nang lubos ang tulong mula sa ibang bansa. Si PNoy, nagsori pa at inaming mahina ang daloy ng tulong. Sa aking palagay, ang tulong na iyan ay lalabas sa 2016 kasi hanggang ngayon ay walang lumalabas na galing sa ibang bansa. Mabuti pa ang ABS-CBN at GMA. Nakikita ng taumbayan ang kanilang ibinibigay at walang nagrereklamo. Ito ang gobyerno na hari ng palusot. …2920
Dito po sa Biliran ay hindi nararamdaman ng taumbayan ang tulong ng gobyerno sa mga may sakit. Meron dito na isang pamilya at tatlo o apat sa kanila ay may sakit na TB. Pero, hindi man lang sila tinutulungan ng kanilang barangay gayung meron namang barangay health workers. …2021
Sentro raw ng komersyo ang Ozamiz City. Mayaman daw ito sa agrikultura at forest products. Pero, ramdam na namin ngayon ang kahirapan. Marami na rin dito ang sex workers. …9021
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.