SAN ANTONIO — Umiskor si Tony Parker ng 30 puntos habang nag-ambag si Manu Ginobili ng 24 puntos para pangunahan ang San Antonio Spurs na biguin ang Orlando Magic, 121-112, sa kanilang NBA game kahapon.
Nagdagdag si Kawhi Leonard ng 17 puntos, si Tiago Splitter ay may 14 puntos, si Danny Green ay tumira ng 12 puntos at si Tim Duncan ay gumawa ng 11 puntos at 10 rebounds para sa Spurs (46-16) na pinalawig ang winning streak sa anim na laro.
Gumawa naman si Tobias Harris ng 23 puntos, si Nikola Vucevic ay nagdagdag ng 19 puntos at 13 rebounds at si Arron Afflalo ay nag-ambag ng 17 puntos para sa Orlando (19-45). Si Maurice Harkless ay nagtala ng 12 puntos at 10 rebounds para sa Magic, na winalis ng Spurs sa kanilang season series.
Galing sa emosyonal at matinding 111-87 pagwawagi laban sa Miami Heat noong Biyernes sa kanilang NBA Finals rematch, naging matamlay ang pagsisimula ng San Antonio laban sa Orlando, ang kulelat na koponan sa Southeast Division.
Knicks 107, Cavaliers 97
Sa Cleveland, kumamada si Carmelo Anthony ng 26 puntos para pamunuan ang New York Knicks sa 107-97 panalo laban sa Cleveland Cavaliers at itala ang ikatlong diretsong pagwawagi.
Nag-ambag si Amare Stoudemire ng 17 puntos at 12 rebounds para sa Knicks, na ang winning streak ay nagsimula matapos ang pitong laro na pagkatalo at may umuugong na balitang tatanggapin ni Phil Jackson ang trabaho sa front office ng New York.
Si J.R. Smith ay umiskor ng 17 puntos habang si Tyson Chandler ay nagdagdag ng 15 puntos at 11 rebounds para sa New York.
Nagtala naman si Kyrie Irving ng 30 puntos, walong assists at walong rebounds para sa Cavs, na iniretiro ang No. 11 jersey ng dating sentro nitong si Zydrunas Ilgauskas sa halftime.
Clippers 109, Hawks 108
Sa Los Angeles, kumamada si Blake Griffin ng 27 puntos at walong rebounds habang si Chris Paul ay gumawa ng 19 puntos kabilang ang go-ahead layup sa huling minuto ng laro para tulungan ang Los Angeles Clippers na maungusan ang Atlanta Hawks at masungkit ang season-high ikapitong sunod na pagwawagi.
Si DeAndre Jordan ay nag-ambag ng 13 puntos at 12 rebounds habang si Matt Barnes ay may 17 puntos para sa Pacific Division-leading Clippers.
Ang Los Angeles ay tumira ng 53.2 porsiyento mula sa field para umangat sa 22-1 kartada kapag tumitira ng 50 porsiyento o higit pa.
Si DeMarre Carroll ay umiskor ng 19 puntos para sa Atlanta na nalasap ang ika-14 na pagkatalo sa 15 laro at pang-anim na sunod na talo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.