Laro sa Miyerkules
(MOA Arena)
4 p.m. La Salle vs Ateneo
(Game 3)
NAMUMBALIK ang tibay ng laro ng three-time defending champion La Salle upang iusad ang isang paa tungo sa kampeonato sa UAAP women’s volleyball sa kinuhang 25-14, 25-20, 19-25, 26-24 panalo sa Ateneo sa ikalawang laro ng Finals kahapon sa Smart Araneta Coliseum.
Si Ara Galang ay mayroong 16 kills tungo sa 17 puntos habang sina Mika Reyes at Abigail Marano ay naghatid ng 14 at 11 puntos pa upang makabangon ang Lady Archers sa four-set kabiguan sa unang tagisan para matapos ang 30-game winning streak na nabuo sa loob ng mahigit na dalawang taon.
Kailangan na lamang ng tropa ni La Salle coach Ramil de Jesus na manalo sa Miyerkules para makamit ang ikaapat na sunod na kampeonato sa liga.
“Sinabi ko sa kanila na maniwala na makukuha namin ito,” wika ni De Jesus na tangka ang ika-siyam na titulo sa liga.
Naging madali ang panalo sa unang dalawang sets ng La Salle dahil inilabas ang mahusay na Ateneo libero na si Dennise Michelle Lazaro matapos ang sprained left ankle.
Pero bumalik ito sa third set para pangunahan ang floor defense habang nagsalitan sa pag-atake sina Alyssa Valdez, Amy Ahomiro at Jorella De Jesus upang makaisa sa labanan.
Hinawakan pa ng Lady Eagles ang 8-7 kalamangan sa fourth set pero ang magkakasunod na running spike ni Abigail Marano ang naglayo sa La Salle sa 20-15.
Kampante na ang Lady Archers sa 24-21 ngunit nagkaroon ng service error si Cydthealee Demecillo at ito ay nasundan ng magkasunod na service ace ni Valdez tungo sa 24-all.
( Photo credit to INS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.