MARAMI ang mga panuntunan para makilala ang kalusugan ng katawan ng tao. Ang tawag sa mga ito ay sintomas.
Kadalasan, kapag walang kirot o sakit, binabale-wala lamang ang kalusugan hanggang magkaroon na ng problema gaya ng sakit, pagkaparalisa at kamatayan. Tsaka na lang nababahala kapag malala na ang kundisyon!
Kinakailangan maging mapagmasid tayo sa kalagayan ng ating kalusugan. Sa kaunting nararamdaman, pakinggan natin ang sinasabi ng ating katawan.
Alam mo ba na kahit ang kulugo ay makakapagsabi kung mahina ang kalusugan ng isang tao?
Ang balat ang siyang pinakamalawak na organ ng katawan. Ito rin ang unang nakikita at napapansin kapag may sakit ito.
Tingnan natin ito, kapain natin, ramdamin natin ang kanyang mga ipinahihiwatig, pimple man iyan o buni. Maaring kati lamang, pamumula, pamamaga, pagbabago ng kulay ng balat ang maipakita at maari din na may bukol at may mga nakapatong na lesion gaya ng kulugo.
Totoo po mga ka-tropa sa Barangay Kalusugan na kahit sa kulugo ka lamang magtuon ng pansin, marami ka nang makukuha na impormasyon tungkol sa inyong kalusugan. Huwag natin maliitin ang kulugo.
Ang Common Wart (Verruca vulgaris) o kulugo ay sanhi ng isa sa mga uri ng human papilloma virus (HPV) na nakatira sa balat ng tao, kaya lahat ng tao ay maaring magkaroon ng ganitong impeksyon.
Isa sa mga gawain ng ating balat ay ang maghadlang sa pagpasok ng mikrobyo sa katawan. Kapag nasugatan ito, nabubuksan ang pinto kung saan pumapasok ang mga mikrobyo.
Mahalaga ang integridad ng balat at anumang sakit nito ay maaring makapag-bawas ng “protective function” na ito.
Ganyan ang nangyayari kapag ang kulugo ay tumutubo. Maaaring dumami ito, maaari ring mawala nang kusa kahit walang gamutan. Naka-depende ito sa kabuuan ng immune system o resistensiya. Gamitin natin ang kulugo na “marker” ng immunity.
Kung ang iyong kulugo ay lumalaki at dumadami, ibig sabihin ay humihina ang iyong resistensya. Kung ito ay kusang nawala, ang ibig sabihin ay malakas ang iyong immune system.
Gusto mong maging makinis ang iyong balat kung kaya’t hahanap ka ngayon ng paraan na mawawala kaagad ang kulugo mo. Maaaring pahiran ng kemikal gaya ng salicylic acid o kaya naman ay maaring sunugin sa pamamagitan ng electrocautery, laser at iba pang energy devices.
Mahalaga ang kalinisan sa balat, paraan upang ang “viral contaminant” ay matanggal o mawala.
Pinakamahalaga sa pag-aalaga ng balat ang hydration, nutrition, sleep at rest, exercise, at ang stress-eliminating effect: ang forgiveness.
Inaaanyayahan ko kayong lahat na sumanib dito sa ating kapisanan, ang BARANGAY KALUSUGAN, ang ating magiging ugnayan tungo sa pagpapaunlad ng ating kalusugan. Isulat, i-text, ang inyong mga tanong dito sa Bandera. Sundan sa Facebook at Twitter: [email protected].
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.