OPISYAL ng barko si JP.
Matagal na siyang sumasakay ng cruise line. May asawa at dalawa silang anak. Una pa lamang, tutol na si misis sa kaniyang desisyong mag-abrod. Ayaw nitong umalis si JP. Ngunit pangako niya sa asawa, mag-iipon lamang siya, magbabayad ng utang, magpapa-aral ng mga anak at hihinto rin sa pagbabarko.
Mga pangakong napako. Nakaka-tatlong kontrata pa lamang si JP nang nagkaroon siya ng karelasyon na kapwa rin niya seafarer. Dalaga si MM at nagka-anak siya rito.
Matagal namang itinago ito ni JP kay misis. Sa tuwing nagbabakasyon si JP, para rin itong nasa abroad dahil buong maghapon itong wala sa bahay.
Palagi niyang sinasabing maraming dapat gawin sa opisina, may seminar, may training at kung anu-ano pa. May mga pagkakataong hindi rin ito umuuwi ng bahay ng dalawa hanggang tatlong araw.
Nang huling biyahe nito, lungkot na lungkot ang kaniyang mag-iina nang inihatid nila sa airport si JP.
Ngunit kinabukasan, may nagbalita sa kaniyang nakita pa niya sa isang mall si JP at may kasama itong babae. Ayaw maniwala ni misis dahil inihatid nga naman nila sa airport si JP at buong akala niya’y bumiyahe na ito.
Hindi pinansin ni misis ang naturang balita. Maaaring nakamukha lamang ‘anya ng mister niya iyon dahil imposible ngang paniwalaan niyang narito pa sa Pilipinas ang asawa.
Hanggang sa muling umuwi sa bansa si mister. Katulad ng dati palaging wala ito sa bahay. Minsan hindi pa umuuwi.
May nakapagsabi kay misis na tingnan nito ang passport ni mister at alamin ang mga petsa nang arrival niya sa Pilipinas na may tatak ng immigration pati na ang petsa ng mga departure niya nung nakaraang mga alis nito.
Hinanap ni misis ang pasaporte ni mister, at nitong huling uwi ay saka niya nadiskubre na isang linggo na pala itong nasa bansa bago ang petsang idineklara niyang uwi niya.
At noong nakaraang alis nito, tama pala ang balita sa kaniya na may nakakita sa kaniyang mister sa mall. Dahil nanatili pa sa bansa si JP nang apat na araw bago pa siya bumiyahe para sa panibagong kontrata ng barko.
Bistado na ang mga pagsisinungaling ni JP. Hindi na rin nakatiis si misis kung kaya’t kinumpronta na ang asawa. Dito siya napaamin na mayroon na pala silang anak ng kaniyang girlfriend na seafarer din at 5 taong gulang na ang bata.
Ganoon na rin katagal niyang niloloko ang asawa. Kaya pala palaging wala ito sa kanila dahil kasabay din nitong nagbabakasyon ang babae at naroroon siya sa pamilya ng girlfriend sa probinsiya kung saan naroon din ang kanilang anak.
Wala nang magawa ang kahabag-habag na asawa kundi tanggapin na lamang ang mga nalaman at nakipagkasundo pa rin ito kay JP na ipagpatuloy na lamang niya ang pagsusustento sa kanilang 2 anak lalo pa’t nasa kolehiyo na ang panganay at high school naman ang bunso.
Walang anumang legal action na ginawa si misis. Katuwiran niya tutupad naman sa pangako si mister at ipagpapatuloy pa rin nito ang suporta sa pamilya.
Ngunit hindi iyon nagkatotoo. Dahil wala pang P5,000 ang ipinapadala nito buwan-buwan sa pamilya. Halos utang na loob pa ‘anya nila kapag tumatanggap sila ng naturang padala mula sa kapamilya ni JP.
Sabagay paano nga namang tutupad ito sa pangako ay nagawa na nitong magsinungaling na sa kanyang pamilya noon pa man?
Sa ngayon, lakas loob nang humingi ng tulong si misis sa Bantay OCW at kasalukuyan nang inaayos ni Atty. Dennis Gorecho ang naturang reklamo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.