TULOY na ang pagsampa uli ni four-division world champion Nonito Donaire Jr. sa isang world title fight matapos magkaayos ang Top Rank at si Sampson Lewkowicz para sa laban kontra kay World Boxing Association-International Boxing Organization featherweight champion Simpiwe Vetyeka ng South Africa.
Si Lewkowicz ang siyang kumatawan kay Vetyeka at ang laban ay itinakda sa Mayo 31 sa The Venetia sa Macau, China.
Kinatawan ni Bob Arum ang Top Rank na siyang may hawak kay Donaire.
Hanap ng 31-anyos na si Donaire na maibulsa ang ikalimang world title sa magkakaibang dibisyon habang si Vetyeka ay magdedepensa sa unang pagkakataon sa WBA belt.
Tinalo ng 33-anyos South African champion ang dating hari sa WBA super featherweight division na si Chris John ng Indonesia noong Disyembre 6. Nagretiro si John sa ikaanim na round ng kanilang laban dahil sa labis na pahirap ni Vetyeka.
Una nang hinawakan ni Vetyeka (26-2, 16 knockouts) ang IBO title nang patulugin sa 12th round si Daud Cino Yordan, na isa ring Indonesian, noong Abril 14.
Huling sumampa ng ring si Donaire noong Nobyembre 9 at kanyang hiniritan ng ninth-round KO panalo si Vic Darchinyan.
Dalawang laban ang hinarap ni Donaire nitong nakaraang taon at ang una ay nangyari noong Abril 13 pero minalas siya at natalo sa pamamagitan ng unanimous decision kay WBA super featherweight champion Guillermo Rigondeaux ng Cuba para mahubad sa kanya ang hawak na World Boxing Organization title.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.