Ang gahaman sa salapi ay nauuwi sa kaguluhan. Ngunit ang tumatanggi sa suhol ay mabubuhay nang matagal. —Kawikaan 15:27
MALINAW ang agwat na langit at lupa sa mayayaman at mahihirap, sa mga may kapangyarihan at walang lakas, sa mga may impluwensiya at aba, sa ganid at bastante na sa pagiging payak. Higit sa lahat, malinaw na ngayon ang agwat sa mga magnanakaw na mga senador at kongresista at mga magnanakaw sa lansangan.
Bagaman hindi gaanong sinusundan ng pinagnanakawang arawang obrero at mahihirap ang moro-morong nobelang walang katapusan, na tinawag na ngayong teleserye, sa Senado pa man din, ang huling paglutang ng isa pang kawatan, si Ruby Tuason, ng pera ng bayan ay patunay ng pagkagahaman sa salapi ng mga politiko (pero isosolo rin naman daw niya ang perang hindi sa kanya, dangan nga lamang at Diyos lamang ang nakakita kung magkano talaga ang kanyang ninakaw at hindi ito, kailanman, malalaman ng taumbayan). Nakalulungkot na iilan na lamang ang mga politiko na hindi gahaman sa salapi, at isa na riyan si Way Kurat, na una pang pinagbintangang nandambong ng P3 bilyon pera ng taumbayan. Pero, hindi naninilbihan ng matagal ang mga politikong hindi magnanakaw. Ah, kaya pala kapit tuko sa puwesto ang mga politiko dahil wala silang kabusugan sa pagnanakaw ng pera ng taumbayan at pati ang kanilang asawa, anak, pamangkin, apo at mga kamag-anak ay kailangang nasa puwesto para ang pagnanakaw ay gawin ng buong angkan.
Para kay Sen. Miriam Santiago, ang pagdalo ni Sen. Juan Ponce Enrile sa mga pagkikita na inihahatid at ibinibigay ni Tuason ang “komisyon” mula kay Janet Napoles sa kanyang (JPE) chief of staff ay patunay ng tuwirang papel ni Tanda sa pork barrel scam. “It is now obvious that Tuason was covering up for Enrile, so that the entire criminal liability for plunder could be shifted to Reyes (Jessica Lucila Reyes, chief of staff ni Enrile) to Reyes alone. That is devious of Tuason and heartless of Enrile. He is ready to sacrifice Reyes to save himself,” ani Santiago. Sa pagdinig sa Senado, hindi sinabi ni Tuason kung magkano ang kanyang inihatid na pera kina Sen. Jinggoy Estrada at Reyes. Kay Estrada, sinabi ni Tuason, base sa naapuhap sa kanyang memorya, na P8 milyon-P10 milyon ang kanyang dinala sa tanggapan nito. Nakapagtataka at di kapani-paniwala na di naglista si Tuason, o gumawa ng ledger (libro de kuwenta), sa kanyang inihatid na mga kickback na milyones at kung kailan ang mga ito isinagawa. Di kapani-paniwala na hindi siya naglista gayung, aniya, may 5% komisyon siya sa pagdadala’t transaksyon. Sa kabuuan, inamin ni Tuason na kumuha siya ng P40 milyon bilang komisyon at nangakong isosoli ito para mapunta sa kaban ng bayan. May mga bahagi ng bista na pumapalya ang alaala ni Tuason at saglit na humihinto para tanungin ang isa pang kawatan ng pera ng taumbayan at umaming namemeke ng pirma ng mga senador para makuha sa Department of Budget and Management at iba pang ahensiya ang malalaking halaga ng salapi.
Sa tingin ng arawang obrero, ng taumbayan, ang lahat ng dumalo sa bista sa Senado ay mga kawatan at wala silang nakitang malinis at di sangkot sa pagnanakaw. Ganoon pala kapag nasa sirkulo ng mga magnanakaw. At tinatawag pa silang whistleblower. Sa mata ng administrasyong dilaw, bayani pa, susme, ang turing sa whistleblowers, lalo na kapag ang idinidiin ay ang mga kalaban sa politika at mga politikong napakatamis gantihan dahil meron din silang atraso noong martial law. Nagtatanong ang arawang obrero, ang taumbayan, kung bakit idinidiin si Estrada gayung ang ina ng Ikalawang Aquino ay lumapit mismo kay Joseph Estrada noon at humingi ng pasensiya dahil sa papel na kanyang ginampanan sa pagpapatalsik sa puwesto pagkatapos isinangkot sa jueteng.
Talagang hindi alam ng arawang obrero, ng taumbayan, ang sagot dahil ang kanya lamang nalalaman ay kung paano naghaharap-harap ang mga magnanakaw, ang mga akyat-bahay, mga snatcher at holdaper sa presinto kapag nasukol na at itinuturo na ang isa’t isa sa mga krimen na kailanman ay hindi magkakahalaga o aabot ng milyones. Pero, napakalaki ng pagkakaiba kapag ang itinuturong mga magnanakaw ay ang kagalang-galang na mga senador at kongresista. Ang sinasabing bunton ng pera ay nagiging tray ng pagkain o sandwich. Naku naman, anang arawang obrero, wala palang tagabitbit ng pagkain o sandwich si Tuason kundi siya mismo ang nagbibitbit nito nang palihim para dalhin sa politiko? Si Tanda ay hindi kumibo at walang sinabi o kontra-sinabi hinggil sa pagtuturo ni Tuason. Nagtatanong din ang arawang obrero kung bakit matindi ang pagdadawit kina Estrada, Enrile at Bong Revilla gayung base sa mga ulat ng Commission on Audit ay may mga nadawit din namang kaalyado ni Aquino sa Senado’t Kamara. Hindi makapaniwala ang arawang obrero na sa dami ng mga whistleblower, na mga kawatan din, ay hindi sila masasangkot kapag idiniin nila sina Seksi, Pogi at Tanda.
At makailang ulit na ring sinasabi ni Justice Secretary Leila de Lima na kakasuhan na ang third batch ng kagalang-galang na mga opisyal. Ang tagal naman. Sa susunod na taon ay kampanya na, legal man o hindi, para sa eleksyon sa 2016, na hahalal na ng kapalit ni Aquino. Ang nalalaman ng taumbayan, pagkatapos magharap-harap ng mga magnanakaw sa presinto ay ipinapasok na ang mga ito sa selda.
Langit nga ang agwat ng may kapangyarihan at aba.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.