NAKIKITA ni trainer Freddie Roach na tatahimik si World Boxing Organization (WBO) welterweight champion Timothy Bradley kapag natamaan siya ng suntok ni Manny Pacquiao sa rematch sa Abril 12 sa MGM Grand Arena sa Las Vegas, Nevada, USA.
Ang nasilayang bilis at lakas uli sa magkabilang kamao ni Pacquiao noong tinalo niya si Brandon Rios sa Macau noong nakaraang Nobyembre ang nagbibigay tiwala pa kay Roach na makakabawi ang kanyang alaga sa pagkakataong ito.
Noong 2012 unang nagkasubukan sina Pacquiao at Bradley at natalo si Pacman sa pamamagitan ng kontrobersyal na split decision.Nasabi ni Pacquiao na magiging agresibo siya at ipakikita ang bangis sa ring para patunayan na taglay pa niya ang killer instinct na nawala sa kanyang mga huling panalo.
“Aggressive is good in this fight. I think he (Bradley) will box a little bit more but once he gets hit, he’ll fight back and he’ll become his old self,” wika ni Roach.
Dahil dito, dapat na tiyakin ni Pacquiao na hindi magtatakbo ng ring si Bradley tulad ng kanyang ginawa sa unang laban.
“We have to cut the ring off and make it a
little smaller and force him to fight a little bit more,” dagdag ng batikang trainer. Sa kalagitnaan ng buwang ito ay nasa Pilipinas na si Roach para pasimulan ang pagsasanay nila ng Kongresista ng Sarangani Province.
Pero nais ni Roach na hindi magtagal ang pagsasanay sa bansa para mas matutukan ni Pacquiao ang mga nais niyang ipagawa sa laban.
Sa kanyang plano, si Pacquiao ay dapat na lumipad patungong Los Angeles sa Marso 1 para magkaroon ng sapat na oras sa kanyang paghahanda.
Bukod sa paghihiganti, mahalaga ang makukuhang panalo ni Pacquiao para mapuwersa si Floyd Mayweather Jr. na labanan siya.
( Photo credit to INS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.