Suns, Warriors dinaig ang Pacers, Clippers
INDIANAPOLIS — Gumawa si Goran Dragic ng 28 puntos at pitong assists para pamunuan ang Phoenix Suns na palasapin ang Indiana Pacers ng ikalawang home loss ngayong season sa pagtala ng 102-94 pagwawagi sa kanilang NBA game kahapon.
Sina Gerald Green at Marcus Morris ay kapwa umiskor ng 16 puntos para tulungan ang Suns na makuha ang ikaapat na sunod na panalo. Si Roy Hibbert ay nag-ambag ng 26 puntos habang si David West ay nagdagdag ng 18 puntos para sa Pacers (35-10).
Ang dunkshot ni Dragic may 44 segundo ang nalalabi sa laro ang nagbigay sa Suns ng 100-94 kalamangan na nagselyo sa kanilang panalo.
Ang Suns ay umiskor ng 66 puntos sa first half — ang pinakamaraming puntos na ipinagkaloob ng Pacers sa isang half ngayong season magmula ng makaiskor ang Suns ng 62 puntos kontra Indiana sa 124-100 panalo isang linggo na ang nakakalipas.
Warriors 111, Clippers 92
Sa Oakland, California, nagtala si David Lee ng 22 puntos at 11 rebounds habang si Andrew Bogut ay humablot ng 17 boards para pangunahan ang Golden State Warriors sa panalo kontra Los Angeles Clippers.
Si Stephen Curry ay kumamada ng 22 puntos at pitong assists habang si Bogut ay nagdagdag ng 14 puntos at tatlong blocks para pamunuan ang dominanteng paglalaro ng Golden State sa ilalim ng basket.
Maliban sa na-outrebound ng Warriors ang Clippers, 53-34, ay na-outscore rin nila ito sa paint, 66-22. Si Blake Griffin ay nagtapos na may 27 puntos, si Darren Collison ay umiskor ng 22 puntos at si DeAndre Jordan ay kumuha ng 20 rebounds para sa Los Angeles, na may 10-4 karta magmula nang mawala si All-Star point guard Chris Paul.
Knicks 117, Cavaliers 86
Sa New York, sina Carmelo Anthony at Tim Hardaway Jr. ay kapwa gumawa ng 29 puntos para pangunahan ang New York Knicks sa tambakang panalo kontra Cleveland Cavaliers.
( Photo credit to INS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.