Ginutom at binugbog na, hindi pa pinasweldo | Bandera

Ginutom at binugbog na, hindi pa pinasweldo

Susan K - January 31, 2014 - 03:00 AM

BUKOD sa pambubugbog at ginugutom pa, hindi rin pinasuweldo ng tatlong amo ng OFW na si Irene dela Virgen.

Dumating na sa bansa ang 27-anyos na Irene mula sa Saudi Arabia, matapos ang masaklap na karanasang sinapit doon.

Unang natanggap ng Bantay OCW ang reklamo ni Irene sa pamamagitan ng kaniyang tiyahin na si Marilyn nang tumawag ito mula sa Athens, Greece.

Nagtungo sa Inquirer Radio ang asawa ni Irene na si Mario mula pa sa Nueva Ecija kasama ang anak ni Marilyn na si Lejani Licup.

Agad naming ipinadala sa POEA ang naturang reklamo at mabilis nilang inobliga ang Raysa International Smart Employment Services (dating Rises) na kaagad padalhan ng plane ticket ang ating OFW. Kung hindi nila iyon magagawa sa loob ng 15 araw, sususpindihin ang kanilang lisensiya.

Kahapon personal na nagtungo si Irene sa Bantay OCW at inilahad ang napakapait na na karanasang sinapit sa Saudi. Nakasaad sa kontratang pinirmahan niya sa POEA na isang Mohammed Abdullah Abdulazis Salimi ang kaniyang employer.

Pagkarating sa bahay ng amo, mahigpit na iniutos ng among babae, na kung tawagin ay Madam, na manatili lamang siya sa loob ng kuwarto at huwag lalabas. Apat na araw siyang hindi pinalabas sa kuwartong iyon at hindi rin pinakain, kahit tubig, wala ring ibinigay. Teacher ang kaniyang madam.

Nang ikapat na araw na, doon lamang siya pinakain ngunit inilipat na siya sa pangalawang amo nito na isa ring teacher. Sa unang dalawang araw hindi rin siya pinakain. Sa ikatlong araw, binigyan lamang siya ng isang maliit na pirasong tinapay at isang tasang kape.

Ipinapahiram pa siya sa mga kaibigan nito upang pagtrabahuhin sa loob ng tatlo hanggang apat na oras. Nanatili siya roon ng limang araw, wala rin siyang sweldong natanggap.

Pagkatapos inilipat naman siya ng ikalawang employer sa ikatlong employer nito, na isa ring teacher. Tulad nang mga nauna, hindi rin siya pinakain ng maayos.

Tumagal naman siya ng mahigit isang buwan sa ikatlong amo. Akala ni Irene dito na siya magtatagal. Pinahiram siya ng dalawang beses sa kapatid nito upang magtrabaho doon.

Nakarating ang hinaing ni Irene sa tiyahing si Marilyn na siyang nagsumbong sa atin.

Kinausap din ni Marilyn ang Rayza International Agency, tungkol sa sinapit ng pamangkin. Pero ang tugon nito sa kanya bahagi raw ng training ang hindi pagpapakain dito.

Hindi na rin nagpatumpik-tumpik ang Bantay OCW kaya’t inilapit na natin ito sa POEA para tutukan ang ahensiyang nagpaalis kay Irene, at inobliga na pauwiin na si Irene.

Kwento pa ni Irene, makalipas ang isang buwang pamamalagi sa ikatlong amo ay ibinalik siya sa ikalawang amo. Doon siya binugbog, sinakal at pinagtulungan ng lima katao — ang among babae at tatlong anak at ang kapwa Pinay na sipsip sa kanilang amo na nagngangalang Nerva.

Bukod sa pambubugbog at di pagpapakain sa kanya, wala rin anya siyang natanggap na suweldo.

Selos ang nakikitang dahilan ni Irene kung bakit siya binugbog ng among babae at mga anak nito.

Nagsimula iyon nang makita nang among babae na ibinababa ng among lalaki ang mga gamit niya at binilhan siya ng tinapay nito, pagkarating na pagkarating pa lamang niya sa tahanan ng amo.

Kaya’t hindi na siya pinalabas ng kuwarto at hindi pinakain saka inilipat sa ibang amo.

Wala naman palang kaplano-plano itong si Irene na mag-abroad. Isang Simon Herenosa ang nag-alok sa kanya at humimok sa kanya na mag-abroad dahil sa wala naman daw siyang gagastusin. Dahil don ay nagka-inetrest siyang mag-abroad.

Gayunman, nakapangutang pa rin siya ng P7,000 na hanggang ngayon ay tinutubuan pa rin.

Katarungan ang hiling ni Irene sa kaniyang sinapit. Nakasampa na sa Adjudication office ng POEA ang Case no. 14010172 at tiniyak naman ni DA Jesus Gabriel Domingo na mabilis nilang tatapusin ang kaso at kaagad ilalabas ang schedule ng mga pagdinig.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Inquirer Radio dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 10:30 am 12:00 noon, audio/video live streaming: www.ustream.tv/channel/dziq. Helplines: 0927.649.9870 / 0920.968.4700 E-mail: [email protected]/ [email protected]

Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.

No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

What's trending