Resbak ng kampo ni Deniece: CCTV na nasa NBI posibleng dinoktor na
Sinampahan pa rin ng kasong panghahalay ni Deniece Cornejo si Vhong Navarro sa kabila ng pagtitilad ng NBI sa oras na iniluluwa ng CCTV camera ng condominium na tinitirhan ng babae nu’ng gabi ng January 22.
Kahit pa sabihing walang naganap na rape nu’ng gabing ‘yun dahil sa pagkakasalansan ng minu-minutong kaganapan na inirehistro ng CCTV camera ng gusali ay naghain pa rin ng kaso laban kay Vhong si Deniece.
Ayon pa sa abogado ng dalaga ay hindi raw nila alam kung ‘yun nga ang tunay na nangyari, wala raw silang kopya ng footage ng CCTV camera ng condominium, puwede raw kasing dinoktor na ‘yun.
Ang nakunan lang daw naman ng CCTV camera ay ang pasilyo ng gusali, ang pagpasok-paglabas ng mga tao sa elevator, pero hindi raw nito nakunan ang nangyari sa loob mismo ng unit ni Deniece.
Pero kung ang pagbabasihan ay ang mga nakatalang minu-minutong pangyayari nu’ng gabing ‘yun na nasagap ng CCTV camera ay walang rape, walang pagtatangka man lang, dahil ang lumalabas ay nagkita lang sa corridor sina Vhong at Deniece dahil bumaba nga ng building ang babae.
Ang kasunod nang iniluwa ng mga camera ay si Cedric Lee na umakyat sa unit ni Deniece, ang iba pang mga lalaking du’n din nagpunta, pag-akyat ni Deniece ay kasama na nito ang kapatid na babae ni Cedric.
Kaya ang naguguluhang tanong ng marami, kailan nangyari ang sinasabing rape ni Deniece samantalang hindi naman pala sila nagpang-abot sa unit, saan din kinuha ni Cedric ang senaryo na nahuli nilang nakapatong ang aktor kay Deniece?
Napakaraming tanong na dapat sagutin ang Deniece Cornejo na ito, ang dami-dami nilang dapat basaging senaryo, marami rin silang babawiing mga pahayag ni Cedric Lee nu’ng mag-ikot sila sa lahat ng networks para magpainterbyu tungkol sa iskandalo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.