NGAYONG bilanggo na si Pampanga Rep. Gloria Arroyo, kailangang litisin na siya, agad. Laos na ang sigaw sa kalye na “Ikulong si Gloria.” Kailangang litisin na siya at idiin ng testigo laban sa kanya.
Pagkatapos ng panahon ng taga-usig, kailangang isunod agad ang pagtatanggol sa kanya. Karapatan ng akusado na ipagtanggol ang kanyang sarili at dinggin nang walang paninikil ang kanyang panig, tulad ng ipinagkaloob sa taga-usig.
Ganyan ang proseso sa hukuman. Ganyan din ang prosesong sinunod nang nilitis si Joseph Estrada. Idiniin siya ng di natigatid at natinag na mga testigo na sina Clarissa Ocampo, Willie Ocier, Chavit Singson, 34 testigo at maging mga partners-in-crime ng pinakapopular na pangulo (bukod nga sa politiko ay artista pa man din).
Tapos na ang mga press conference (sana) ng mga kaalyado at Gabinete ng popular na si P-Noy. Hindi ibig sabihin na popular si P-Noy ay popular din ang Gabinete (nakatakda na ang aksyon ng Korte Suprema).
Litisin na nga at hatulan. Inabot ng anim na taon bago nahatulan si Estrada dahil sa dami ng nagdiin sa kanya. Nang mahatulan ay nirebisa ito agad ng mataas na hukuman at napatunayang nandambong nga si Erap. At agad naman siyang pinatawad.
Litisin na si Arroyo at hatulan, nang patas.
Balik-trabaho, dapat
NGAYONG bilanggo na si Pampanga Rep. Gloria Arroyo, kailangang taumbayan naman ang asikasuhin ng malinis na administrasyon. Kailangang hanapin kung saan napunta ang mahigit 3,000 container vans na ipinuslit sa Customs.
Hanggang ngayon, panaka-nakang sibuyas lang ang ipinakikita sa media. Hanggang ngayon ay di pa nasasapul ng mga bagong opisyal sa Aduana ang target collection.
Sa darating na Pasko, 10.4 milyon Pinoy ang mahihirap, ang pinakamataas na bilang, ayon sa SWS survey. Ano ang solusyon, bibigyan na naman sila ng pera ng Department of Social Welfare and Development? Saan napunta ang naunang mga ipinamudmod?
Kung umakyat ng hanggang 52% ang bilang ng mahihirap, simula 49%, ibig sabihin ay palpak ang Conditional Cash Transfer (CCT) doleout. Sayang ang pera ng obrero.
Ang ibig ipakita ng kahirapan ay pagkatapos ng 500 araw ng bagong administrasyon ay bigo itong lunasan at ibsan ang pagdarahop.
Patuloy pa rin ang bombahan sa Mindanao, ang pinakahuli ay sa Kabacan, North Cotabato at Cotabato City.
north cotobatoWala pa ring nadarakip sa mga kriminal na Moro. Nasaan ang “all-out justice?”
Sana’y gawa, hindi ngawa.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.