Ate Vi: Di na ‘ko nagulat sa sinabi ni Angel!
Siya na talaga! Pagkatapos siyang tanghalin bilang best actress ng Gawad Tanglaw na gaganapin na sa March 12 sa Colegio de San Juan de Letran sa Calamba, Laguna ang pamamahagi ng awards ay isang panibagong parangal na naman ang tinanggap ng Star For All Seasons.
Nagbubunyi ang mga Vilmanians dahil ang kanilang idolo ang nanalong best actress sa katatapos lang na Dhaka International Film Festival sa Bangladesh para sa pelikulang “Ekstra” (The Bit Player).
Nang batiin namin si Governor Vilma Santos para sa bagong parangal at inspirasyon na ibinigay sa kanya sa ibang bansa ay isa lang ang ganting-text ng aktres, “Maraming-maraming salamat sa bagong pagtitiwala, sa bagong inspirasyon, para sa mga Vilmanians ang parangal na ito.
“Maraming salamat talaga, tumangos na naman ang ilong ko!” paboritong linya ng Star For All Seasons kapag pinadadalhan namin siya ng mga mensaheng mula sa puso tungkol sa kanyang husay sa pagganap.
At kahapon sa unang sultada ng Showbiz Police sa kanyang pagbabago ng araw at oras (tuwing alas-kuwatro hanggang alas-kuwatro y medya nang hapon na mula Lunes hanggang Biyernes ang programa) ay nagbigay ng pahayag ang aktres tungkol sa lantarang rebelasyon ni Angel Locsin na hanggang ngayon ay mahal pa rin ng young actress ang kanyang panganay na si Luis Manzano.
Ang naging reaksiyon ni Governor Vilma, “Hindi na ako nagulat du’n, kapamilya na kasi ang pagtrato namin kay Angel, nakakasama pa nga namin siya sa biyahe nu’n.”
Nakatutuwang malaman na kahit mommy siya ni Luis ay humahanap pa rin pala siya ng tiyempo para mangumusta tungkol sa lovelife nito.
“Kapag siya ang nagbubukas ng topic, nagtatanong ako, nangungumusta ako sa lovelife niya. Pero kapag hindi, hinihintay ko lang siya, kailangang sa kanya manggaling ang pag-o-open up,” natatawa pang kuwento ng cool na cool na mommy nina Luis at Ryan Christian.
( Photo credit to Google )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.