KUNG ang trainer ni Manny Pacquiao na si Freddie Roach lang ang masusunod ay ayaw niyang si Timothy Bradley ang makakasagupa ng kanyang alaga sa susunod nitong laban sa Abril 12 sa Las Vegas, Nevada, USA.
Mas maigi, aniya, para sa boxing career ni Pacquiao ang sukatin nito ang mga boksingerong pinahirapan si Floyd Mayweather Jr. Ito aniya ay bilang paghahanda sakaling matuloy ang blockbuster fight sa pagitan nina Pacquiao at ng wala pang talong si Mayweather.
Balak kasi ng promoter na si Bob Arum ng Top Rank na ilaban uli si Pacquiao kay Bradley. Noong Hunyo 2012 ay naagaw ni Bradley ang World Boxing Organization welterweight title ni Pacquiao matapos na manalo sa pamamagitan ng makontrobersiyang split decision.
Nais ni Roach na makalaban ni Pacquiao ang mga nakalaban ni Mayweather nitong mga nagdaang taon tulad ni Robert Guerrero ng Estados Unidos.
“If we can fight one of those guys that he (Mayweather) went the distance with and knock that person out and be impressive, it puts us even closer to Mayweather because that’s the fight we really want eventually,” pahayag ni Roach sa panayam ng Fighthype.com.
Ang 30-anyos na si Guerrero ay nakaharap ni Mayweather noong Mayo 4, 2013 at natalo sa pamamagitan ng unanimous decision.
Isinama ang tubong California na si Guerrero sa listahan ng mga posibleng makasagupa ni Pacquiao dahil napabalitang nais niyang wakasan ang kanyang ugnayan sa Golden Boy Promotions na mortal na kalaban ng Top Rank.
Naka-spar na ni Pacquiao si Guerrero at nagsabi ito na tinatalo niya ang Pambansang Kamao sa ensayo kaya maganda umanong pagsabungin ang dalawa sa tunay na labanan.
“He’s made public before that he used to beat Manny up in sparring. I see it a different way, but I would love that fight and I think it’s a great fight,” ani ni Roach.
Pero mangyayari lamang ito kung tunay na wala ng hawak ang GBP kay Guerrero. Naunang inilatag sa harapan ni Pacquiao sina Bradley at ang dating Russian sparmate na si Ruslan Provodnikov para siyang pagpilian sa unang laban sa 2014.
Sa dalawang ito, pinili ni Pacquiao si Bradley para maipakita sa lahat na nabiktima lamang siya ng masamang desisyon kaya lumasap ng kontrobersyal na split decision.
“Halos lahat ng tao sa mundo ay naniniwala na tayo ang nanalo doon sa laban, kaya dapat lamang naman na bawiin natin ‘yun alang-alang sa mga taong gaya natin ay ninakawan ng panalo ng isang huwes,” wika ni Pacquiao sa isinagawang SCOOP on Air noong Huwebes.
Isang pagpupulong ang magaganap sa pagitan nina Pacquiao at Arum para maikasa na kung sino ang kanyang haharapin at kung iuuurong ba ito sa ibang petsa.
( Photo credit to INS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.