Kilalanin kung sinu-sino ang 2013 Athletes of the Year ng Bandera
SA tuwing papasok ang bagong taon ay tradisyon na sa BANDERA na bigyang pagkilala ang mga atletang kuminang at nagbigay karangalan sa bansa sa nagdaang 12 buwan.
Para sa taong 2013, apat katao ang pararangalan ng BANDERA bilang mga Athletes of the Year ng pahayagan. Una sa ating listahan si Rubilen Amit na nasungkit ang kampeonato ng 2013 Women’s 10-Ball Championship at ang gintong medalya sa women’s 10-ball event ng Southeast Asian Games.
Humataw din si Grandmaster Wesley So na nagbigay ng karangalan bilang kauna-unahang Pilipino na nanalo ng gintong medalya sa prestihiyosong Universiade.
Nagpatuloy din ang pananalasa ni Dennis Orcullo na nagwagi sa World Cup of Pool kasama ni Lee Vann Corteza bukod pa sa pag-ani ng ginto sa katatapos na SEA Games.
At sino ba ang makakalimot sa ginawa ni Jayson Castro sa taong ito? Inumpisahan niya ang 2013 sa pagkopo ng Best Player award ng PBA Philippine Cup at pinangunahan niya ang Gilas Pilipinas sa pangalawang puwesto sa Fiba-Asia Men’s Championship.
By MELVIN SARANGAY
MULING pinatunayan ni Rubilen Amit na isa siya sa pinakamahusay na billiards player sa women’s division hindi lamang sa Pilipinas kundi maging sa buong mundo.
Patunay dito ang mga gintong medalya na kinubra niya sa women’s 8-ball at 9-ball singles events ng 2005 Southeast Asian Games sa bansa.
Inulit niya ito noong 2009 SEA Games sa Vientiane, Laos nang makuha ang ginto sa mga nasabi ring events. Hindi rin puwedeng balewalain ang kanyang tagumpay na nakamit sa larangan ng 10-ball matapos na tanghaling kampeon sa 2009 JBETPoker.net World Women’s 10-ball Championships, ang kauna-unahang women’s 10-ball event, na ginanap sa SM North Edsa.
At bagamat bigo siyang makakuha ng women’s world title sa mga sumunod na taon hindi naman nasiraan ng loob ang tubong-Mandaue, Cebu na si Amit dahil patuloy naman siya sa kanyang pag-eensayo at paghahanda sa mga torneong sinasalihan.
Hindi man siya pinalad na magwagi sa ginanap na Women’s World 9-Ball Championship sa taong ito bumalik siyang muli sa rurok ng tagumpay nang kanyang pagwagian ang 2013 Yalin Women’s World 10-Ball Championship nitong Nobyembre na ginanap sa bansa.
Tinalo niya sa finals si Kelly Fisher ng England, 10-7, para maging kauna-unahang two-time champion ng torneyo. Ang tagumpay na ito ay naglagay din kay Amit bilang ikatlong Pinoy na nagwagi ng dalawang world title sa larangan ng bilyar kasunod nina Efren “Bata” Reyes at Ronnie Alcano.
Matapos ang panalo sa Women’s World 10-Ball Championship ay tinulungan naman niya ang Team Asia na makamit ang kauna-unahang korona sa JBET.com Queens Cup.
Pero hindi pa dito nagtapos ang pamamayagpag ni Amit dahil nasungkit niya ang gintong medalya sa women’s 10-ball singles sa katatapos na 27th SEA Games sa Myanmar. Dahil dito ay muling pinarangalan ng BANDERA si Amit bilang top athlete ng taon.
By HENRY LIAO
MANGILAN-NGILAN lamang ang mga tunay na kuminang na atletang Pinoy sa taong 2013. Isa sa naghatid ng pinakamalaking karangalan sa bansa ay si Grandmaster Wesley So sa larangan ng chess.
Kalimutan na natin na hindi kinikilala ng ilang sektor ang pagkapanalo ni Wesley sa 27th Summer Universiade (o World University Games) sa Kazan, Russia nitong Hulyo.
Ang mahalaga ay nagwagi ng gintong medalya sa kauna-unahang pagkakataon ang Pilipinas sa prestihiyosong palarong ito kahit pa hindi kinikilala ng Philippine Olympic Committee ang Federation of School Sports Association of the Philippines (FESSAP) na siyang sumuporta at nagdala kay Wesley sa Kazan Universiade.
Hindi naman maipagkakaila na malaking bagay ang gintong medalyang ito ni Wesley dahil hindi naman pipitsugin ang mga nakalaban niya sa torneyo. Tumapos siya na may 6.5 puntos matapos na manalo ng apat na laro at mag-draw ng limang beses.
Sa higpit ng kompetisyon, walong ibang manlalaro pa ang nagtapos din na may 6.5 puntos kaya napilitan ang mga organizers ng Kazan Universiade na magkaroon ng playoffs para mawasak ang bihirang nine-way deadlock for first place.
Pagkalipas ng tatlong tie breakers, naiwang nakatayo ang 19-anyos na si So at ang 2006 World Junior champion na si GM Zaven Andriasian ng Armenia. Naglaban sila ng Armageddon-style playoff.
Nanalo sa coin flip si Andriasian at pinili nito ang puting piyesa. Gayunpaman, hindi nagpatinag si Wesley at dinaig nito ang Armenian Grandmaster sa blitz game para tanghaling kampeon sa men’s chess.
Nanalo rin si Wesley sa ilang torneyong kanyang nilahukan sa taong ito tulad ng 17th Unive Chess Tournament sa Hoogeveen, The Netherlands, Las Vegas International Chess Festival sa Nevada, Calgary International Chess Classic sa Canada at Reykjavik Open sa Iceland.
By FREDERICK NASIAD
SI Dennis Orcullo ay masasabi nating suki na ng BANDERA sa taunang pagpili nito ng mga top athletes.E bakit ba naman hindi?
Taun-taon na lang ay umaani ng parangal ang manlalarong ito ng Bugsy Promotions.
Nariyan ang nanalo siya sa US Open 10-Ball Championship noong isang taon, sa World 8-Ball Championship noong 2011 at Asian Games at World Pool Masters noong 2010.
Sa taong ito ay ilang ulit ding nagwagi si Orcullo sa mga international tournaments tulad ng US Open One-Pocket Championship, US Bar Table Championship 10-Ball at 17th Jay Swanson Memorial 9-Ball Tournament.
Pero ang dalawang pinakamalaking kampeonato na kanyang nasungkit sa 2013 ay ang World Cup of Pool kung saan ka-partner niya si Lee Vann Corteza sa London noong Setyembre at ang men’s 10-ball ng 27th Southeast Asian Games sa Myanmar nitong Disyembre lamang.
Sa World Cup of Pool ay tinalo ng tambalang Orcullo-Corteza ang pambato ng Taiwan sa semis (9-7) at ang bigating koponan ng The Netherlands sa finals, 10-8.
Sa SEA Games naman ay binigo ng bilyaristang galing Bislig, Surigao del Sur ang kababayan at stable-mate na si Carlo Biado (9-7) sa kanilang gold medal match.
Walang duda, si Orcullo na ang bagong mukha ng Philippine billiards at naniniwala ang handler niyang si Perry Mariano ng Bugsy Promotions na malayo pa ang mararating ng dating mangingisda ng Bislig.
Ani Mariano, sa lahat ng pool players na kanyang nakita, si Orcullo ang may pinakamatatag na disiplina sa sarili at sa training. Siya, aniya, ang dapat tularan ng mga kabataang nais mamayagpag sa billiards.
Mula sa katagang “Money Game King” ng bansa noong una siyang nakilala sa larangan ng bilyar, napatunayan ni Orcullo ang kanyang husay para makakolekta ang karangalan hindi lamang para sa kanyang sarili kundi para na rin sa Pilipinas.
By MIKE LEE
TUNAY na hindi na angkop ang katagang ‘height is might’ sa larangan ng basketball.Ito ay kung si 5-11 point guard Jayson Castro Williams ang pag-uusapan.
Pinatunayan ni Castro na hindi sagabal ang pagiging maliit sa larong kasabayan niya ang mga naghihiganteng basketbolista ng Asya.
Bilang pagkilala sa kanyang husay at galing, si Castro ay napabilang sa Mythical Five ng FIBA Asia Men’s Championship na ginanap nitong Agosto sa Mall of Asia Arena sa Pasay City.
Ito ay matapos na kanyang pangunahan ang Gilas Pilipinas sa pangalawang puwesto sa torneyo at makakuha ng puwesto sa FIBA World Cup sa unang pagkakataon sa loob ng 35 taon.
Pinangatawanan ng 27-anyos na manlalaro rin ng Talk ‘N Text na hindi nagkamali si national coach Chot Reyes sa pagkuha sa kanya sa pambansang koponan matapos ilabas ang liksi, bilis at tapang laban sa mga mas matatangkad na manlalaro lalung-lalo na sa semifinal game ng Pilipinas as Korea.
Nagtamo ng injury sa larong ito ang 6-11 naturalized center ng Gilas na si Marcus Douthit pero binuhat nina Castro at Marc Pingris ang koponan para biguin ang mas malalaking Koreano.
Sumungkit ng mga importanteng rebounds si Pingris habang si Castro naman ay umiskor ng 17 puntos sa laro mula sa 8-of-13 field goal shooting. Siya rin ay may tatlong rebounds at tatlong assists.
Sa pagtatapos ng Fiba-Asia, si Castro na tubong Guagua, Pampanga ay may average na 11.8 puntos, 3.3 rebounds at 3.0 assists kada laro.
Ito ang ikalimang pagkakataon na makapaglaro sa pambansang koponan si Castro. Una siyang napili sa Youth Team noong 2004. Sinundan ito ng kampanya sa 2006 at 2007 SEABA Club championship at 2007 Southeast Asian Games sa Thailand.
Sa PBA naman ay naihatid niya sa kampeonato ang Talk ‘N Text sa 2012-13 Philippine Cup kung saan siya rin ay naparangalan bilang Best Player of the Conference.
( Photo credit to INS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.