KAILANMAN ay di maunawaan ng arawang obrero na binubuwisan mula sa kanyang kakarampot na kita ang mga tamad na mahihirap, komunista at rebeldeng Moro.
Kailanman, hindi magiging tama ang kunsintihin ang tamad at ibuhos ang milyones na tulong sa kaaway para ang mga ito’y mas makapaghasik ng lagim at patraydor na pumatay ng mandirigma ng gobyerno.
Kung ang arawang obrero ay naghihigpit, at naghihigpit pa, ng sinturon para lamang makaraos sa maghapon sa kabila ng mataas na presyo ng pagkain (60% ng kanyang arawang kita ay napupunta sa pagkain), mataas na pasahe, mataas na multa sa trapiko (kung nagmomotor ang manggagawa), maluwag ang buhay ng tamad na kinakalinga ng gobyerno at pinaglaanan pa ng bilyones, na ipamumudmod ng Department of Social Welfare and Development.
Kung ang arawang obrero ay pigang-piga na sa kabubuwis para tustusan ang mga komunista at rebeldeng Moro, mas lalong kawawa ang kinahinatnan ng mga sundalo at pamilya nito, na bukod sa sinisisi at iniinsulto pa, ay kakarampot pa rin ang suweldo at biyayang natatanggap sa gobyerno.
Ang masakit, ilang opisyal pa ng pamahalaan ang iginigiit na walang masama sa pagbibigay ng malaking pera ng administrasyong Aquino sa Moro Islamic Liberation Front; ng administrasyon noong 1995 sa magulong rebeldeng Rebolusyonaryong Alyansang Makabansa-Soldiers of the Filipino People-Young Officers Union; ng Alex Boncayao Brigade; at rebel returnees, na tumatanggap ng P10,000, P20,000 at P200,000 bawat isa, kabilang na ang “puhunan” sa pagbabagong buhay (pero bumabalik din naman sila sa pakikipaglaban sa gobyerno).
Hindi maintindihan ng arawang obrero ang sinasabing “goodwill” ng pamahalaan, dahil hindi naman tumahimik ang kanayunan bunsod ng di tapat na kausap.
Mas lalong di nila maintindihan kung bakit ang gobyerno ay patuloy na nakikipag-usap at nanunuyo sa di tapat na kausap, lalo na sa traydor na kaaway.
Ang pinakamahirap unawain ay ang pagtulong sa kaaway, sa mga traydor na bahagi raw ng biyahe tungo sa tuwid na daan.
Kung sinisisi ang nakalipas na mga administrasyon sa pamimigay ng pera sa tamad at kaaway, na tila di na maipagtanggol, para lamang makaiwas sa panunumbat ng sundalo’t mahihirap, bakit di iwasto ang kamalian?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.