LAHAT ng 12 manlalaro na ginamit ni national coach Jong Uichico ay umiskor upang ipakita ang masidhing determinasyon na makumpleto ang 6-0 sweep at bigyan ng kinang ang patuloy na dominasyon ng Pilipinas sa Southeast Asian Games men’s basketball.
Si Bobby Parks Jr. ang bumandera sa pambansang koponan sa kanyang 18 puntos pero si Kevin Alas ang siyang nagpalayo sa Nationals sa unang yugto pa lamang para masungkit ng koponan ang ika-16th ginto sa SEAG sa 84-56 panalo sa Malaysia kagabi.
May pito sa 13 puntos sa laro si Alas sa unang 10 minuto ng labanan para hawakan ng koponan ang 17-8 bentahe. Mula rito ay lumobo sa 32-18 ang kalamangan sa buslo ni Roi Sumang bago humataw ang Nationals ng 25-15 palitan sa ikatlong yugto tungo sa 68-49 kalamangan.
Determinado ang Nationals dahil tinapatan pa nila ito ng P500 kada puntos na kanilang ibibigay sa biktima ng super typhoon Yolanda.
Ang pangingibabaw ng men’s basketball ang naglagay ng tuldok sa isa pang produktibong kampanya ng bansa na nagsisikap na makaalis sa ikapitong puwesto sa team standings.
Magarang pagbubukas ang ginawa ng athletics team nang manalo ng ginto sina long jumper Henry Dagmil at 400-meter specialist Archand Christian Bagsit para sa dalawang ginto, dalawang pilak at isang tansong medalya sa unang araw ng track and field competition.
Tinapos ni Dagmil ang dalawang SEAG dominasyon ni Thai long jumper Supanara Sukhasvasti nang makalundag sa 7.80 metro.
Ang 2005 at 2007 SEAG champion ay nagkaroon ng siyam na sentimetrong agwat kay Sukhavasti na may 7.71 metro.
Hinigitan naman ni Bagsit ang pilak na naabot noong 2011 sa pinaglabanang event sa nangungunang 47.22 segundo.
Tunay na napapanahon na uli na ang Pilipinas ang magdomina sa torneo dahil si Edgard Alejan ang pumangalawa sa 47.45 segundo.
Pumangatlo lamang ang Indonesian na si Edi Aryani sa 47.78 segundo.
( Photo credit to INS )
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.