KUNG may banta sa buhay ni Ronald Llamas, tagapayo sa politika ni Pangulong Aquino, bakit ang AK-47 na magtatanggol sa kanya ay dala sa Montero (OPA6) ng kanyang 22-anyos na lasing na driver, na, dahil sa kalanguan sa alak, ay sinalpok ang trak sa Commonwealth ave., Quezon City, at nakita ng mediaman na nag-counterflow sa San Juan, gayung ang mataas na opisyal at wala sa bansa, kundi nasa Geneva, na di na abot ng bala ng riple?
Sino, at sinu-sino, ang ipagtatanggol ng mataas na kalibre ng armas, gayung wala naman sa tabi nito ang opisyal na bibigyan nito ng proteksyon laban sa papatay, o mga papatay, sa kanya?
Sa panayam sa Radio dzRB, himpilan ng gobyerno na ginagastusan, sa ayaw at sa hindi, ng taumbayan mula sa pagbubuwis sa kanila (wala namang magagawa ang binuwisang obrero kung ang pera niya ay ipamumudmod sa tamad na mahihirap, ibabayad sa MRT gayung nasa Visayas at Mindanao ang binuwisan o ibibili ng malalakas na armas para sa sirkulo ng Ikalawang Aquino), sinabi ni Aquino na ang mga opisyal ng Palasyo ay binibigyan ng bodyguard (security detail ang tawag, pero ganoon pa rin ang trabaho, bodyguard) at “standing operation procedure” ang pagbibigay ng mga armas dito.
Kung may death threat si Llamas o sinumang nasa sirkulo ng pangulo, saan ito galing (mismong ang tagapagsalita na si Edwin Lacierda ay di alam kung sino ang papatay kay Llamas, pero sinabi niya na kapag mataas ang posisyon ay agad na may banta sa buhay. Pero, bakit walang AK-47 sina Benigno, Gomez, Ermita, atbp.)?
Marami pang bagay na malabo pa sa sabaw ng pusit kaya’t mismong si Lacierda ay nais na malaman ang lahat pag-uwi mula sa Geneva ng may death threats.
Sinu-sino ba ang mga galit kay Llamas? Sina ex-First Gentleman Jose Miguel Arroyo at Pampanga Rep. Gloria Arroyo ba ang galit kay Llamas? Kapag naging political adviser ba ng pangulo, agad na may magagalit at maglalabas ng death threats?
Ang Montero at ang baril ay ipinagtanggol agad ng Malacanang. Pero, walang kasalanan ang Montero at baril dahil hindi naman sila mga nilalang na nagkakasala.
Ipagtatanggol ba ng Malacañang ang lasing na driver? Ipagtatanggol pa rin ba siya kahit dala niya ang armas gayung wala ang kanyang amo?
Ang pakli ng isang pulis, walang mangyayari sa kaso na kinasasangkutan ng malalakas.
Oo nga pala. Mahina ang taumbayan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.