KASAMA sa mga pinaka-abusadong empleyado ng gobyerno ay yung mga immigration officers sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Ang mga immigration officers sa lahat ng parte ng mundo ay may kapangyarihan na huwag papasukin ang isang banyaga sa kanilang bansa kahit dahil lamang sa hindi nagustuhan nito ang pagmumukha ng bisita.
Alam ng mga immigration officers sa NAIA ang ganitong kapangyarihan kaya’t ilan sa kanila ay abusado sa mga banyaga.
Isa sa mga abusadong immigration officer sa NAIA ay itong si Philip C. Reyes na pinunit ang passport ng isang papaalis na Pinay, Charmaine Jamila Zdrzynski.
Kasama ni Charmaine ang kanyang asawang Australian na si Arthur Zdrzynski nang mangyari ang insidente.
Ang mag-asawang Zdrzynski ay papaalis papuntang Melbourne, Australia via Kuala Lumpur noong Nov. 13, pero di sila nakaalis dahil sa punit na passport ni Charmaine.
Siguro inakala ni Immigration Officer Reyes na ordinaryong Pinay itong si Charmaine na nakapag-asawa ng foreigner.
Binusisi ni Reyes ang passport ni Charmaine at hindi maganda ang paghawak niya ng dokumento ng mga 10 minuto. Di pa nakontento, dinala pa niya ang passport sa isang silid.
Nang lumabas si Reyes sa kuwarto tatlong minuto ang nakalipas, sinabi niya sa mag-asawa na natanggal ang cover ng passport sa mga pahina.
Nang umalma ang mag-asawa, sinabi ni Reyes kay Charmaine na tumahimik siya dahil baka ipa-blacklist niya ang asawa ni Charmaine.
“Reyes threatened us repeatedly by saying, “You will have your consequences,’ ” Charmaine quoted Reyes as saying.
Natawa pa raw si Reyes nang sinabi ng mag-asawa na irereport siya.
Habang nagsasagutan ang mga Zdrzynski at Reyes, pinanigan diumano ng mga supervisors—on duty supervisor Janet Antolin at deputy head supervisor Ricardo Sarao— ang kanilang kasama.
“Nakita ba ninyong pinunit ni Reyes ang passport? Kung hindi ninyo nakita, dapat hindi ninyo pinagbibintangan si Reyes na pinunit ang passport,” pasigaw daw na pinagsabihan ang mag-asawa.
Ang dapat sana na ginawa ng mga supervisors ni Reyes ay humingi ng patawad at aluin ang mag-asawa.
Halimbawa, sinabi sana ni Sarao na head supervisor na sila na ang maglalakad ng renewal ng passport at gagastusan na lang nila ang abala sa mag-asawa.
Tumulak na ang mag-asawa patungong Australia—napalitan ni Charmaine ang kanyang passport noong Biyernes, Dec. 6—pero hiniling nila sa “Isumbong mo kay Tulfo” na kami ang kumatawan sa kanila sa board of discipline ng Bureau of Immigration.
Sa board of discipline kasi inihain ang reklamo laban kay Reyes.
Bilang head ng “Isumbong,” isasama ko ang supervisors na sina Janet Antolin at Ricardo Sarao sa reklamo dahil kinunsinte nila si Reyes.
Hindi na bago sa “Isumbong” ang pag-aabuso ng immigration officer ng banyaga sa NAIA.
Maraming taon na ang nakararaan nang isang immigration officer na babae ay isinumbong sa akin ng dalawang Hapon dahil sa paninigaw nito sa kanila.
Isinumbong namin ang babaeng immigration officer sa main office ng Bureau of Immigration sa Intramuros, pero walang nangyari sa sumbong.
Bagkus ay nailipat pa ang babaeng immigration officer sa Bureau of Customs kung saan siya naghasik ng lagim hanggang siya at ilang mga customs collectors ay pinalitan kamakailan.
Gumanti ang babae, na nagtapos ng abogasya sa University of the Philippines at pumasa ng bar exams, sa inyong lingkod.
Idinawit ang inyong lingkod sa kasong extortion na isinampa niya sa korte laban sa aking ka-patid.
Di pa niya nakali-limutan ang ginawa kong pagsumbong sa kanya sa kanyang mga superiors noong nasa Bureau of Immigration pa siya.
Nag-away kasi sila ng isa sa aking mga kapatid na naging girlfriend siya noong nasa customs na siya.
Galit na galit siya nang sabihin sa kanya ng aking kapatid na siya’y maghugas muna bago sila magtalik.
Masyadong nainsulto kaya’t gumawa ng istorya tungkol sa aming magkapatid.
Hayun, dinismis ng korte ang kaso nang si-nabi ng aking kapatid sa kanyang affidavit ang dahilan ng kanyang galit.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.