MARAMING batas ang luma at di na angkop ang mga ito sa kasalukuyang kalakaran. Kung luma na ang sapatos, tiyak pudpud na ito at butas na.
Tulad ng batas na di puwedeng ikulong ang kriminal na mga menor de edad, ang batas na nagbibigay ng piyansa kahit ilang sasakyan pa ang kinarnap at ang batas para mapigilan at makontrol ang paglaganap ng sakit na HIV at AIDS.
Bukod sa luma, ang batas na nagkukunsinte at nagkakanlong sa kriminal na bagets ay mali, sa umpisa pa man. Matatalino ang mga mambababatas at mga nakapag-aral sila. Magagaling magsalita at magagaling magsulat. Pero, sa nangyari, patunay na di sapat ang talino’t galing para maproteksyunan at maipagtanggol ang mamamayan laban sa mga batang kriminal.
Inamin na rin mismo ng mga umugit ng batas na ito na mali nga at puro butas ang batas kaya’t mas lalong lumakas ang mga sindikato ng krimen, pati na rin ang mga menor de edad, na gumawa at patuloy na gumawa ng krimen. Bakit wala pa rin silang ginagawa gayong alam pala nilang maling-mali ang batas?
Di na simple ang karnaping ngayon dahil marami na rin ang pinapatay pagkatapos agawin at nakawin ang sasakyan sa may-ari nito. Marahil, inakala ng mga mambabatas na ang usaping karnaping ay para lang sa mayayaman at middle class.
Pero, ang mahihirap at nagsisikap ay biktima na rin ng karnaping. Napakaraming motorsiklo’t bisikleta ang ninanakaw ngayon.
Oo nga naman. Hindi nababahala ang mga mambabatas dahil motor lang yan at bisikleta. Hindi naman sila gumagamit ng motor at bisikleta sa kanilang trabaho. Hindi naman mananakaw ang kanilang mga sasakyan dahil may mga bodyguard sila.
Kaya wala pa rin silang ginagawa para higpitan ang lumang batas sa karnaping?
Maliit na tema and AIDS Prevention and Control Law. Eh ano ba naman kung magkatulo ang marami at magkasakit ng HIV at AIDS? Eh ano ba naman, hindi naman kikita ang mga mambabatas kung kumilos sila para mapigilan ang pitong Pinoy na nahahawa ng HIV at AIDS araw-araw? Eh ano ba naman, hindi naman sila iboboto at mananalo sa 2013 kung agad nilang atupagin ang batas para mapigilan ang pagkalat ng HIV at AIDS?
Ganyan ang katuwiran ng ating mga mambabatas, na patuloy na nga nating pinasusuweldo’t pinakakain ay pinagnanakawan pa ang kaban ng bayan.
Ganyan sila kapag naihalal na ng bobotante. O, ang bobotante ngayon ang pinagtatawanan ng mga mambabatas?
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.