HINDI kayang burahin ng Armed Forces at National Police ang mga rebeldeng Pula. Sa ulat ng US embassy sa Maynila sa Washington, bakas ang panghihinayang ng embahada na di kaya ng gobyerno na durugin ang Pula sa kabila ng ulat ng AFP na may 5,000 mandirigma na lang ang New People’s Army, sa kabila ng mahigit 250,000 kawal ng gobyerno sa Crame’t Aguinaldo.
Kung magiging tapat at bukas ang puso’t isipan ng AFP, madaling ipaliwanag kung bakit di kayang burahin ang Pula, sa kabila ng nakalipas na mga pahayag na “laspag” na ang puwersa ng komunista at malapit nang magapi. Pero, sarado’t tali ang puso’t isipan ng hukbo para ilahad ang tunay na dahilan kung bakit hindi kayang burahin ang Pula.
Walang magagawa ang tropang gobyerno para buwagin ang Pula. Bukod sa nag-iisa lamang ang kawal pamahalaan, hindi nito kapiling ang batas.
Maraming kakampi ang Pula. Sila’y ilang negosyante, simbahang Katolika (nagkakandarapang mga pari’t madre), maging mga pahayagan, unibersidad at kolehiyo; barangay tanod, kagawad at chairman; mga konsehal at mayor; mga gobernador, kongresista’t senador.
May kakampi ba ang kawal at pulis?
Kapag inaambus ang mga kawal at pulis ay dedma lang. Nakakasa na ang programa: pagkondena (na di na nagbago at ganoon at ganoon pa rin), luksang parangal, himlayan sa Libingan ng mga Bayani at ang kakarampot na perang bayad serbisyo.
Kapag nalagasan ang Pula, tiyak na may kaso ang kawal at pulis, lilitisin at makukulong at siguradong sibak pa sa serbisyo.
Marahil ay may ugat kung bakit ibig ng Amerika na mabura ang Pula. Komunista ang pumatay kay Col. James Rowe, medalyadong opisyal ng hukbo ng Estados Unidos.
Pero, kung titingnan sa pananaw ng kabuhayan, naghihirap ang kanayunan dahil sa Pula. Hanggang ngayon ay lugmok pa rin ang Quezon, Nueva Ecija, Nueva Vizcaya, Cordillera, Abra, Cagayan; Mindoro, Marinduque, Romblon, Masbate, Samar, Leyte, Antique, Aklan; Surigao del Norte, Surigao del Sur, Agusan del Norte, Agusan del Sur, mga lalawigan ng Davao, Zamboanga at Misamis.
Konti na lang ang mga mandirigma ng komunista, pero di kaya ng 250,000 kawal ng Crame’t Aguinaldo na burahin ang Pula sa mga lalawigan at kanayunang inilugmok ng kahirapan, dahil kalinga sila ng mga kakampi.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.