DAHIL sa desisyon ng Supreme Court sa PDAF o pork barrel, kakaunti na lang ang iboboto ng taumbayan na pulitiko na ang hangarin ay nakawan ang pondo ng bayan.
Iiwasan na ng maraming pulitiko na tumakbo bilang senador o kongresista dahil wala nang perang mahihita sa puwesto.
At, siyempre, ang mga taong may busilak na hangarin na lang ang tatakbo sa Kongreso o Senado.
Idineklara ng Korte Suprema na unconstitutional ang Priority Development Assistance Fund o PDAF.
Ang PDAF ang pinanggalingan ng corruption ng ilang senador at kongresista.
Ang paggamit ni Janet Lim-Napoles, kasabwat diumano ang ilang senador at kongresista, ng PDAF upang patabain ang kanilang mga bulsa ay nabunyag kamakailan.
Inihahain ang kasong plunder kina Napoles at diumano’y kasabwat niyang mga senador at kongresista.
Dahil sa malaking iskandalo, nakarating sa Supreme Court ang kuwestiyong constitutional sa paggamit ng PDAF at maging ang Presidential Social Fund at Malampaya Fund.
Sabi ng Supreme Court, ang pork barrel ay labag sa prinsipyo ng separation of powers ng executive branch, na pinangungunahan ng Pangulo, at ng lehislatura na kinabibilangan ng Senado at Mababang Kapulungan.
Dahil sa disbursement ng pork barrel, nakokontrol ng Pangulo ang Senado at Kongreso sa pamamagitan.
Ang mga senador o kongresista na hindi kaalyado ng Pangulo ay hindi nabibiyayaan ng pork barrel.
Malaking pera ang natatanggap ng mga senador at kongresista sa kanilang pork barrel fund.
Maraming senador at kongresista ang yumaman dahil di nila pinararating ang pondo sa kanilang mga mahihirap nilang constituents.
Dahil sa maling paggamit ng pork barrel, mahigit na P10 billion ang nawala ng gobyerno sa mga nagdaang taon.
Kung ginamit sa pagpapatayo ng mga paaralan at pagpapagamot ng mahihirap na maysakit ang nanakaw na pork barrel nina Napoles at ilang senador at kongresista, daan-daang libo na estudyante at pasyente sana ang nakinabang.
Ang ruling ng Korte Suprema ang nagbago ng lahat.
Mababawasan na ang mga kawatang pulitiko na tatakbo sa Senado at Mababang Kapulungan.
Hindi na rin magagamit ng Pangulo ang kanyang kapangyarihan sa mga senador at kongresista dahil sa pork barrel.
Noong nakaraang administrasyon, ginamit ang PDAF, Presidential Social Fund at Malampaya Fund sa pagsuhol sa mga kongresista upang di ma-impeach si Pangulong Gloria.
Ginamit din daw ni P-Noy ang Development Assistance Program (DAP), isang uri ng pork barrel, sa mga senador na bumoto na matanggal ang na-impeach na si Chief Justice Renato Corona sa puwesto.
Makailang beses ko nang sinasabi dito sa Target ni Tulfo at sa aking On Target column sa INQUIRER na may taong nagpapanggap na ako at ginagamit ang aking pangalan upang manloko ng mga tao.
Sinasabi ng impostor na “Ramon Tulfo” na siya’y magsasagawa ng medical mission sa isang bayan at hinihingan niya ng pera ang mayor o ibang mataas na opisyal.
Sasabihin niyang kailangan niya ng panggasolina at kung puwede ay ipadala ang pera sa Western Union o Lhuillier.
Ang mga taong nakausap ay kumagat at huli na nang malaman nila na hindi ako ang kanilang nakausap.
Hindi ko gawain ang manghingi ng pera sa mga taong aking pagsisilbihan sa pamamagitan ng medical mission.
Totoong nagsasagawa ang inyong lingkod ng medical mission, pero hindi ko gawain na hingan ang mga pulitiko ng pera.
Paano ko pa mababanatan ang isang government official na gumawa ng katarantaduhan kung nakahingi na ako ng pera sa kanya?
Sumulat sa Intenet ang kolumnistang si Ellen Tordesillas matapos na maloko siya at ang kanyang mga kaibigan ng pekeng “Ramon Tulfo.”
Ang naging impression tuloy ay ako ang nanloko sa kanila.
Sinisisi ako ni Tordesillas sa kanyang katangahan.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.