Marami na ang nagdaang kalamidad sa bayan natin; may mga namatay, nawalan ng bahay, at marami ang nagutom. Isinisi natin lahat ng kaganapang ito sa Diyos, ngunit ni minsan ay di natin naitanong sa sarili natin kung saan ba tayo nagkulang. Ano ba ang nagawa natin para maiwasan ang ganitong mga pangyayari? Nakaliligtaan natin na tayo mismo ay may bahagi sa mga sakuna at trahedyang nararanasan natin sa buhay. Humarap tayo sa salamin at doon matatagpuan natin ang sarili natin.
Dakila ang pag-ibig ng Diyos at hindi niya ninanais ang kapahamakan ng bawat isa sa atin. Ang mga trahedya sa buhay natin ay bunga ng maling mga desisyon at pagpili natin dito. Nawa, matutunan nating pahalagahan at gamitin sa tama ang kalayaang ibinigay sa atin ng Diyos. —pagninilay-nilay sa Ebanghelyo noong Nob. 15, ika-32 linggo ng karaniwang panahon, Sim 19:2-3, 4-5ab, isinulat ng Claretian Publications sa kalagitnaan ng 2012, mahigit isang taon bago sumapit at inilumpo ng bagyong Yolanda ang Central Visayas.
KAGIMBAL-gimbal ang naganap sa Central Visayas at sakmal ng hilakbot si Davao City Mayor Rodrigo Duterte, at nagsabing wala roon ang Diyos. Kung may binanggit na Diyos si Duterte, hindi ito sinasambit ng Ikalawang Aquino, ang anak ng nagdarasal na sina Ninoy at Cory, kahit nasa huling bahagi na ang pagkapit ng ama sa rosaryo.
Kailanman ay hindi pansin ang puna ng media sa imperyong Maynila at hindi tinatablan si Pangulong Aquino sa batikos, kahit ng mga sumama sa Million People March. Pero, nang iulat ng Cable News Network ang kalunus-lunos na paligid sa Tacloban, Leyte, hindi lamang ang nagkalat at namamahong mga bangkay sa kalye ang kanilang nakita.
Higit sa lahat, nakita nila ang bansang walang lider, ang walang tulong sa binagyo’t binaha, ang walang ginagawang pangulo (na bagkus ay isinisi pa sa lokal na pamahalaan ang kinasadlakan), ang kawalan ng direksyon ng Malacanang at ang asal na nganganga na lang sa kinabukasan.
Hindi maikakaila ang pagkapikon ng mga tinamaan ng kidlat, pati na ang isang ginang. Ang naglulubid na resbak at paliwanag ng Malacanang, pagkakaila at pagtuturo, at
paghahanap ng masisi, ay nagsilbing tuyo at darang na uling sa init na pinaypayan ang apoy ng poot para mas lalong lumaki ito hanggang sa magalit ang taumbayan kina Aquino at Roxas. Si Voltaire Gazmin ay umaming wala nang tulong mula sa pamahalaan dahil wala naman talagang dumating para tugunan ang higit na pangangailangan ng mga biktima. Kung meron man ay magbibilang pa ng oras o araw. Iba ang sinapit ng Marabut, Samar. Nilagpasan sila ng mga may dala ng tulong. Nang dahil sa paglalahad ng katotohanan ng CNN, gumuhong parang buhangin ang paghanga ng mundo kay Aquino, ang ikalawang Aquino na nagtataguyod daw ng malinis na pamamahala sa gobyerno at tapat na paglilingkod. Hindi siya hinangaan ng sandaigdigan. Bagkus ay mas lalong naawa ang maraming bansa sa mga biktima, na namatayan na ay mamamatay pa sa gutom, lamig ng gabi at init ng araw, at sakit dahil sa kawalan ng kalinga at tulong ng pamahalaan.
Sa CNN man at sa Ebanghelyo ay may binanggit na paghahanda. Binanggit din ni Aquino ang paghahanda at tinawag pa itong “preposition of relief goods.” Isang araw pagkatapos rumagasa si Yolanda, wala ang “preposition” at wala rin ang “relief goods.” Anim na araw pagkatapos rumagasa si Yolanda, wala pa rin ang “preposition” at “relief goods,” kahit na naibalita na ito ng CNN sa buong mundo. Pagkalipas ng isang linggo, sa unang abot ng isang supot na pagkain, nakarating na raw ang tulong sa nangangailangan. Pero, ayon sa taya ng United Nations, na sanay tumulong sa mga biktima ng bagyo, baha’t gera, aabutin ng anim na buwan ang pagbibigay ng tulong dahil hindi ganoon kadali ang pagbangon ng mga sinalanta. Oo nga naman. Hanggang ngayon ay hindi pa lubos na nakababangon ang mga biktima nina Pablo, Sendong at Santi, ang mga biktima ng digmaan sa Zamboanga City, ang mga nilindol sa Negros at Bohol. Ang pribadong ayuda at tulong mula sa ibang bansa ay para lamang sa pagtugon sa higpit at agarang pangangailangan. Saan kukunin ang ayuda para sa anim na buwan? Oo nga naman. Di ba’t merong DAP para raw sa kalamidad? Walang nakikitang DAP ang media.
Ang trahedya ni Yolanda ay napakalaking pagsubok kay Aquino. Siya ang sinisisi ng mga biktima. Ang bawat supot na iaabot niya, na palalakihin ng mga kakampi tulad ng unang pag-aabot niya ng “mineral” (bottled water), ay hindi ibig sabihin na naibsan na ang gutom at patid na ang uhaw sa lalamunan. Hindi rin ito maituturing na pagtugon sa higit na pangangailangan dahil naganap ito pagkalipas ng isang linggo, pagkatapos na butatain siya ng CNN.
Kawawa nga si Aquino at siya rin ang dapat sisihin kung bakit siya nagkaganito. Ang kanyang inilagay na mga opisyal sa tabi niya at paligid ng poder ay mga walang alam at hindi nilinang ng panahon.
Ayon nga sa Ebanghelyo: Ang mga trahedya sa buhay natin ay bunga ng maling mga desisyon at pagpili natin dito. Amen.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.