Nikki Valdez magbabalik entablado, bibida sa musical play na ‘Next to Normal’
MAKALIPAS ang 15 years, muling masisilayan sa entablado ang batikang aktres na si Nikki Valdez!
Bibida siya sa Philippine version ng Tony Award-winning musical na pinamagatang “Next to Normal” sa darating na taong 2025.
Ang kanyang role ay bilang ina na si “Diana Goodman” at ang magiging kapalitan niya riyan ay si Sheila Valderrama.
View this post on Instagram
Kung matatandaan, sumikat si Nikki matapos tumampok sa film franchise ng pelikulang “Ang Tanging Ina” at “Enteng ng Ina Mo.”
Baka Bet Mo: Nikki Valdez sinigurong hindi pa tapos ang laban kahit ‘talunan’ sa eleksyon: Papunta pa lang tayo sa exciting part…
Taong 2023 naman nang itinanghal siyang Best Supporting Actress sa The Filipino Academy of Movie Arts and Sciences (FAMAS) dahil sa mahusay niyang pagganap sa 2022 Metro Manila Film Festival (MMFF) entry na “Family Matters.”
Si Sheila ay isang award-winning theater actress sa Gawad Buhay at Aliw Awards dahil sa kanyang roles sa “Once on This Island,” “Rama Hari,” at “Passion.”
Bukod sa dalawang aktres, tampok rin sa “Next to Normal” sina OJ Mariano at Floyd Tena na magpapalitan bilang mister na si Dan.
Sina Sheena Belarmino at Jam Binay naman ang magsisilbing perfect daughter na si Natalie Goodman, habang sina Vino Mabalot at Benedix Ramos ay gaganap na Gabe Goodman.
Paghahatian nina Omar Uddin at Davy Narciso ang role bilang Henry, ang lalaking na-inlove kay Nathalie.
At si Jef Flores ang magsisilbing psychiatrist na si Dr. Madden.
Ang musical ay mula sa direksyon ni Toff de Venecia with musical direction by Ejay Yatco, music by Tom Kitt, at book and lyrics by Brian Yorkey.
Ang “Next to Normal” ng Sandbox Collective ay nakatakdang umarangkada sa February 2025 sa Power Mac Center Spotlight Blackbox Theater.
Para sa mga hindi aware, ang broadway ay nag-debut noong 2009 na tungkol sa journey ng isang pamilya tungo sa karamdaman, pagkawala at pagmamahal.
Ang dula ay kinilala sa paglulunsad ng talakayan patungkol sa mental health na nanalo ng tatlong Tony Awards at Pulitzer Prize for Literature.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.