Boses ni Mercy Sunot nag-iisa, walang katulad: Yun talaga ang tatak niya!
PATULOY na humihiling ang grupong Aegis na ipagpatuloy ang pagdarasal para sa yumao nilang miyembro na si Mercy Sunot.
Pumanaw ang lead vocalist ng iconic OPM group matapos makipaglaban sa lung at breast cancer habang naka-confine sa Stanford Hospital and Clinics sa San Francisco, California, noong umaga ng November 18.
Sa panayam ng ABS-CBN sa business manager ng Aegis na Josie Galindo, nakiusap sila ng dagdag na panalangin para kay Mercy na sana’y maalala pa rin ng mga tao ang kanyang pagiging performer.
Sabi ni Josie, “Ang boses niyang naiiba, very husky na bumibirit. Mahuhusay silang tatlo, si Juliet at Ken (iba pang vocalist ng Aegis), dahil kani-kaniya silang quality ng boses.
Baka Bet Mo: Mercy Sunot malungkot na nag-birthday bago pumanaw: Mag-isa lang ako…
“Pero ang kay Mercy, wala pang mga singer ngayon ang katulad niya. Yun talaga ang tatak niya at nag-iisa, na sana hindi makalimutan ng maraming tao,” pagmamalaki pa niya sa napakataas na boses ng yumaong Aegis member.
Nagsimula ang career ng iconic OPM rock band noong 1995 na kinabibilangan nina Vilma Goloviogo (drummer), Stella Pabico (keyboardist), Weng Adriano (bassist), Rey Abenoja (lead guitarist), at ang magkakapatid na sina Juliet, Mercy, at Ken Sunot.
View this post on Instagram
“Bago kami nabuo, galing muna kami sa iba’t ibang grupo pagkatapos ang nangyari nagkahiwalay yung mga miyembro namin tapos kami ang natira kaya kami nagsama-sama,” ang pagbabahagi ni Weng sa panayam sa kanila noon ni Rhea Santos.
“Sadya ng pagkakataon. Sa hirap ng buhay, kailangan mong huminto ng pag-aaral. Hindi na kaya ng mga magulang mo na pag-aralin ka kaya kailangan mong kumita sa murang edad,” ang sabi pa ni Weng sa tagumpay na inabot ng Aegis.
Taong 1997 nang mag-record sila ng demo tape na siyang naging simula ng career nila sa Pilipinas hanggang sa pumirma na sila ng kontrata sa Alpha Records.
Knows n’yo ba na ang unang pangalan ng grupo ay AG’s Sound Trippers na mula raw sa apelyido ng dalawang manager nila na Abenoja at Galindo.
“Aegis kasi A at saka G tapos apostrophe S. Tapos dinagdagan ng dalawang letters para mabuo yung word na iyon kaya naging Aegis. Dati A at G’s,” esplika ni Weng sa guesting nila noon sa “Magandang Buhay.”
May ilang fans naman ang nag-research na ang salitang Aegis kapag dinagdagan ng ilang letter ay magiging Greek word na rin na ang ibig sabihin ay “shield and protection.”
“Ginawa rin yung mga kanta namin para i-shield yung mga nalulungkot, yung mga broken hearted. Kasi ayun yung talagang nagagamot sila sa kantang iyon,” ang sabi naman ni Juliet.
Ilan sa mga hits ng Aegis ay ang “Halik”, “Luha,” “Basang-Basa sa Ulan,” “Mahal na Mahal Kita,” “Christmas Bonus,” “Sayang na Sayang,” at marami pang iba.
Sa darating na December, magse-celebrate na ang grupo ng kanilang 26th anniversary. Sabi ni Juliet, “Masaya po kami na naabot po namin ang pangarap namin.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.