Senatoriable Chavit Singson: P1M para sa pagkakaisa ng pamilya Yulo
NAG-DONATE ng P1 million si senatorial candidate Chavit Singson sa pamilya Yulo.
Ang kanyanng layunin ay “mapag-isa ang pamilya” na nagkawatak-watak dahil sa kontrobersya at mga pampublikong alitan.
Ang donasyon ay naganap sa gitna ng malawakang pagtalakay sa alitan sa pagitan ng two-time Olympic gold medalist na si Carlos Yulo at ang kanyang ina, si Mrs. Angelica Yulo, na nag-viral sa social media.
Nagsimula ang gulo sa pamilya nang i-withdraw umano ni Mrs. Yulo ang premyong pera ni Carlos mula sa 2022 World Championships nang hindi ipinaalam sa kanya na nagdulot ng matinding tensyon at mga hindi pagkakaunawaan.
Mas lalo pang lumala ang sitwasyon dahil sa pagsali ng dyowa ni Carlos na si Chloe San Jose na lantaran ding nagpahayag ng hindi pagsang-ayon sa mga kilos ni Mrs. Yulo.
Baka Bet Mo: Chavit kay Carlos: Kausapin mo pamilya mo, ‘wag mo na silang pahirapan
Sinabi ni Chloe na pinuna umano ni Mrs. Yulo ang kanyang mga galaw at pananamit na nagpalala sa kanilang hindi pagkakaintindihan.
At bilang lantaran sa publiko ang sigalot ng pamilya Yulo, nagpasya si Singson na mamagitan.
Sinabi niya na ang kanyang layunin ay “ang tapat na hangaring mapagtanto ang pag-unawa at pagpapatawad sa pagitan ng mga miyembro ng pamilya.”
Dagdag pa niya, “Walang tagumpay ang dapat maging dahilan upang mawalan ng pagmamahal at respeto sa pamilya. Mahalagang manaig ang pagpapatawad at malasakit.”
Sinabi ni Singson sa INQUIRER na umaasa siyang ang kanyang donasyon ay hindi lang makapagbibigay ng kahit kaunting kaginhawaan sa pinansyal na sitwasyon ng pamilya Yulo, kundi magsilbing daan para sa pagkakasundo at paghilom ng kanilang relasyon.
“Nawa’y maging panahon ito ng pagpapagaling at pagkakaisa,” wika pa niya na binibigyang-diin ang kahalagahan ng pagpapahalaga sa ugnayan ng pamilya sa gitna ng mga hamon.
Positibo ang naging pagtanggap kay Singson at maraming netizens ang nagpapakita ng paghanga at pasasalamat sa kanyang dedikasyon na pagkaisahin ang pamilya Yulo.
Habang ang ilan ay nagpahayag ng inggit sa pagiging mapagbigay ni Singson, marami ang tumingin sa kanyang ginawa bilang simbolo ng pag-asa para sa pagkakasundo at pagkakaunawaan sa loob ng pamilya.
Kamakailan din ay naghain si Singson ng kanyang kandidatura para sa Senado sa darating na halalan sa taong 2025,na nagpapahiwatig ng kanyang pagbabalik sa pambansang entablado at patuloy na dedikasyon sa paglilingkod.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.