WALANG patid ang pag-iyak ni Ginang Elena Aurestela nang isalaysay nito sa Bantay OCW ng Radyo Inquirer 990AM ang sinapit ng anak nitong si Margareth Filamor, isang household service worker sa Saudi Arabia.
Bagaman labag sa loob niyang payagan ang anak na tumulak sa ibang-bansa, lalo pa’t batid nito ang mga problemang kinakaharap ng mga domestic helpers sa Saudi, ay determinado si Margareth na mag-abroad. Wala siyang nagawa kundi suportahan na lamang ang anak.
Laking-gulat na lang ni Gng. Aurestela nang malaman niya na ang lilinisin ng anak ay isang buong building na may tatlong palapag at pitong palikuran.
Lilinisin niya ito nang mag-isa. Base sa napagkasunduang kontrata meron makakasamang kasambahay ang kanyang anak sa bahay ng employer, pero hindi nasunod.
Dala na rin ng labis na pag-aalala sa kalagayan ng anak, kaagad na nakipag-usap si Gng. Aurestela sa ahensyang nagpaalis kay Margareth, ang Fil-Expat Placement Agency, na mayroong balidong lisensya sa POEA.
Depensa ng ahensya, hindi pa nakakaalis ang kapwa-Pinay na makakasamang kasambahay ng kaniyang anak doon dahil hindi pa umano ito nakaka-pasa sa medical exam.
Para sa inang handang gawin ang lahat upang masiguro ang kabutihan ng anak, kinontak ni Mrs. Aurestela ang nasabing aplikante na magiging katrabaho ni Margareth at inalok ng lahat ng maibibigay na tulong tulad ng pagpapagamot, bahay na titirhan at iba pa niyang mga pangangailangan hangga’t sa tuluyan na itong makapunta sa Saudi.
Oo, ang lahat ng sakripisyong ito ay para sa kaniyang anak upang hindi na ito gaanong mahirapan yamang ang naturang aplikante ng Fil-Expat ang makakasama ni Margareth bilang kasambahay sa poder ng kaniyang employer.
Nauwi sa kawalan ang mga pag-asa at pangarap ng mag-ina nang malaman nilang ipinadala pala sa ibang employer ang tinulungang aplikante. Kaya’t patuloy na nararanasan ng OFW ang labis na pagtatrabaho.
Lumapit na sa OWWA si Gng. Aurestela at pinagharap na sila at isang kinatawan ng Fil-Expat agency, bunsod ng emosyon, naibulalas na lamang ng ina na handa nitong bayaran ang kahit magkanong halaga maging ang P80,000 na pambayad sa visa upang maiuwi lang ang anak.
Pinayuhan ng Bantay OCW si Gng. Aurestela na ang lahat ng pananagutan at gastusin hinggil sa pagpapauwi sa anak ay dapat harapin ng ahensya kaya’t hindi niya kailangang maglabas ni piso.
Kaagad ding inindorso ng inyong Bantay OCW ang mga reklamong ito sa tanggapan ni Administrator Hans Leo Cacdac ng POEA at mabilis na binigyan sila ng 12 araw na palugit upang aksyunan ang pagpapauwi kay Margareth, kung hindi ay sususpindihin ang lisensya ng Fil-Expat yamang malinaw na ‘di sila tumupad sa kontrata. Patuloy ang pagbabantay ng inyong programa sa kasong ito hanggang magkasama na ang mag-ina.
Tunay na masasalamin sa kuwentong ito ang ‘di maarok na pag-ibig ng ina sa kaniyang anak, mula sa suporta, mga pag-aalala’t kabalisahan, at lahat na ng magagawang paraan upang mailigtas ang anak sa tiyak na kapahamakan.
Ebidensiya ito ng kawikaang: ‘Ang pinakamabuti ang hangad ng mga magulang sa kanilang anak’. Minsan pa, nawa’y magsilbing paalaala ang karanasang ito kung gaano kalaki ang epekto ng pangingibang-bansa sa pamilya, hindi lamang nito pinaghihiwalay ang OFW at kaniyang mahal sa buhay sa pisikal o emosyonal na pamamaraan, may kaakibat rin itong mga seryosong responsibilidad sa kalalabasang epekto ng ginawang mabigat na desisyon.
Si Susan Andes a.k.a Susan K. ay napapakinggan sa Radyo Inquirer dzIQ 990 AM, Lunes – Biyernes, 10:30 am-12:00 noon, audio/video live streaming: www.dziq.am. Mapapanood sa PTV 4 tuwing Martes 8:00-9:00pm. Helplines: 0927.649.9870 / 0920.968.4700 . E-mail: [email protected]/ [email protected]
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.