‘Spring Garden’ ng Korea, horror movie na may hugot sa mga kabit
NAKAKALOKA! Wala kaming ginawa kundi ang sumigaw habang pinanonood ang South Korean horror movie na “Spring Garden”.
Isa kami sa mga naimbitahan ng Viva Entertainment para sa premiere night ng “Spring Garden”, ang latest horror-suspense-thriller movie mula sa Korea, na naganap sa SM Megamall Cinema 2 kagabi.
Adik na adik kami sa mga horror at slasher flicks kaya hindi namin pinalampas ang “Spring Garden” na unang pelikulang idinirek ng sikat na film producer na si Ku Born (The Medium).
Ang kuwento ng pelikula ay naging usap-usapan sa Korea dahil nga tampok dito ang isa sa Top 3 haunted houses sa nasabing bansa, na pinaniniwalaang pinamumugaran ng mapaghiganti at hindi matahimik ng mga kaluluwa.
Baka Bet Mo: Jerry Yan, Vaness Wu ng ‘Meteor Garden’ muling nagsama sa isang variety show
Bida rito ang dalawa sa hinahangaan at iginagalang na aktres sa Korea – si Jo Yoon-hee, ang 2016 KBS Best Actress in a Serial Drama, at si Kim Joo-ryoung, ang nanalong Best Actor sa Asia Artist Awards dahil sa kanyang pagganap sa “Squid Game.”
Nang biglaang pumanaw ang kanyang asawa, minana ni So-hee (Jo Yoon-hee) ang isang mansyon na tinatawag na Spring Garden.
Sa kabila nang pagtutol ng kanyang kapatid na si Hye-ran (Kim Joo-ryoung), tutuloy pa rin si So-hee sa paglipat dito. Labis na nag-aalala sa kanya si Hye-ran dahil nakunan rin ang kanyang pagbubuntis.
Sa bagong bahay, makararanas ng mga nakakikilabot na bagay si So-hee. Ganon din ang kanyang mga pamangkin na anak ni Hye-Ran nang sila ay bumisita sa kanya.
Sa kagustuhan niyang maprotektahan si So-hee, susubukan ni Hye-ran na tuklasin ang misteryo sa likod ng mga kilabot. Makalabas kaya sila kapag lumabas na ang totoo?
Ayon kay Direk Ku Born na dapat normal ang itsura ng bahay kahit na may kababalaghan dito.
Aniya, “I told the art director that I don’t want the house to be grotesque just because it’s a horror film.”
Kwento rin niya na ilan sa mga gamit ay mula talaga sa abandonadong bahay, tulad ng altar.
Matinding research din ang ginawa niya para mabuo ang pelikula, “I’ve interviewed a lot of famous shamans in Korea. The things they told me are still echoing in my head.”
Ipakikita rin sa “Spring Garden” ang ilang problema sa lipunan ng Korea tulad ng pambu-bully sa eskwelahan, isyu sa mga biyenan at iba pa.
Tulad ng mga pelikulang ginawa tungkol sa dalawa pang haunted house sa Korea (Gonjiam Haunted Asylum at The Ghost Station), inaasahang papatok rin sa mga Pinoy ang “Spring Garden” dahil sa kakaibang atake ng pagka-horror nito.
Pagkatapos ng premiere night, hindi namin maiwasang maikumpara ang “Spring Garden” sa ilang horror movies na napanood namin nitong mga nakaraang taon dahil talaga namang ibang-iba ang atake nito para manakot at manggulat ng manonood.
In fairness, sunud-sunod ang mga eksena kung saan mapapatili ka na lang at mapapaigtad sa iyong kinauupuan dahil unpredictable ang mga mangyayari. At talagang lahat ng nasa sinehan ay sabay-sabay sumisigaw! Ha-hahaha!
Anyway, hindi na kami masyadong chichika para hindi ma-preempt ang panonood n’yo ng “Spring Garden.” Sure kami na hindi masasayang ang perang ibabayad n’yo kapag nag-watch kayo nito.
Showing na ngayon sa mga sinehan ang “Spring Garden”.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.