Maricel sa mga plastik: Nakakasama ng loob, parang gusto mong tadyakan
NAPAKARAMING plastik at manloloko sa mundo ng showbiz pero in fairness, meron pa rin naman talagang mga totoo at mababait na artista.
Isa ang Diamond Star na si Maricel Soriano sa mga sikat na celebrity sa entertainment industry ang literal na nagtataglay ng kasabihang “what you see is what you get” dahil hindi siya yung klase ng taong tractor at mapagkunwari.
Kaya naman sa isang interview ay natanong siya kung ano ang masasabi niya sa mga taga-showbiz na doble-kara — yung magkaibang ugali ang ipinakikita sa harap at likod ng mga camera.
Baka Bet Mo: Sharon tinawag na plastik nang makiramay sa pagpanaw ni Noynoy: Dami talagang masama ugali sa Pinas
Sagot ni Marya, “Nakakasama ng loob kapag alam mong patuloy ka niyang kinakausap na kaplastikan naman lahat, di ba?
“Parang gusto mo siyang tadyakan. Gusto ko. Ha-hahaha! Pero walang ganu’n na nangyari. Relax lang ako. Kapag ganu’n kasi, ang hirap.
View this post on Instagram
“Kahit siguro kayo ang nasa sitwasyon na ito pinupuri kayo nang pinupuri pero hindi naman pala siya totoo, na pagdating sa ibang tao kung anu-ano sinasabi against you and all of that,” rebelasyon ng TV at movie icon.
Pagpapatuloy pa ng award-winning veteran actress, “Hindi kasi dapat ganu’n. Dapat kapag nakikipagkapwa-tao ka, nakikipagkapwa-tao ka sa tao. Hindi ba? Pero kung pinaplastik ka, eh sana umalis na lang sa harap mo.”
Napapanood namin si Maricel ngayon sa Kapamilya hit series na “Lavender Fields” kung saan gumaganap siya bilang tagapagtanggol at mentor ng karakter ni Jodi Sta. Maria.
Siguradong naninibago ang kanyang fans sa role niya sa serye dahil chill-chill lang ang mga eksena niya pero markado pa rin. Wala rin siyang mga “sampalan” scenes dito.
“Dito hindi ganu’n. Iba naman. Kaya gusto ko ito, eh. Kasi iba. Haping-happy ako kasi kasama ko si Jodi at talagang napakagaling niya dito. Sobra talaga siyang galing dito kaya kailangan niyo panuorin,” ani Marya.
“Ang difference ng character ko dito at ni Jodi is yung anak ko nawawala. Si Jodi naghahanap ng nawawala din niyang anak. Kaya nakita ko rin sa kanya si Marigold (pangalan ng anak niya sa serye).
“Siyempre ninenerbiyos kami pero nu’ng nakita namin reaction ng mga fans and friends, natuwa kami kasi yung pinaghirapan namin hindi nabalewala.
View this post on Instagram
“Lalo na yung role ni Jodi dito dahil may mga action scenes ang anak ko dito, ang galing-galing niya! Kaya ang sarap din niya talaga panoorin,” sabi pa niya.
Matatandaan noong kasagsagan ng pag-ere ng seryeng “Pira-Pirasong Paraiso” last year kung saan nagkaroon siya ng guest appearance, natanong si Maricel tungkol sa dumaraming artistang gustong magpasampal sa kanya.
“Tawang-tawang ako diyan sa sampal na ‘yan. Lahat ng tao gusto magpasampal sa akin, ano ba ‘yun. Sabi ko, bakit naman puro sampal ang nakikita niyo sa akin?
“Huwag naman ganyan. Nakakasakit yan, ‘di ba? Kaya nagkakaganoon yun dahil sa story at nagiging ganoon ‘yung reaction ng kaeksena ko at saka ako dahil may pinanggalingang story yun.
“May pinanggalingan kwento, kaya nag-build up. So kapag galit na galit ka na, do’n mo palang uumpisahan ‘yung atake mo. Doon ka palang magda-dialogue, doon mo palang susumbatan, doon mo palang sasabihin lahat. Tapos saka ka mananakit. Kaya mahirap ‘yun,” paliwanag ni Marya.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.