Trigger Warning: Mention of sexual abuse, rape
ARAW-ARAW inaatake ng anxiety ang baguhang youngstar na si Sandro Muhlach dahil sa umano’y panggagahasa sa kanya.
Sinampahan na ng kasong rape through sexual assault at acts of lasciviousness ang dalawang GMA independent contractors na sina Jojo Nones at Richard Cruz sa Department of Justice kahapon, August 19.
Halos isang buwan na ang nakararaan mula nang mangyari ang umano’y sekswal na pang-aabuso kay Sandro sa loob ng hotel room ng dalawang akusado.
Baka Bet Mo: Dingdong araw-araw nagdiriwang ng Mother’s Day para sa ina at kay Marian
Ayon kay Sandro, bukod sa matinding anxiety attack, diring-diri pa rin daw siya sa kanyang sarili matapos ang kinasangkutang insidente.
Kahapon, August 19, sa pamamagitan ng zoom, humarap ang panganay na anak ni Niño Muhlach sa isinagawang pagdinig ng Senate Committee on Public Information and Mass Media sa pangunguna nina Sen. Robin Padilla at Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada.
Binigyan ng pagkakataon ang binata na makapagsalita upang ilahad sa Senate hearing ang nangyari sa kanya noong gabing ginahasa siya sa gabay na rin ng kanyang legal counsel na si Atty. Czarina Quintanilla-Raz.
“Pasensiya na po kung hindi po ako nakapag-attend sa previous senate hearings. Pero more than that, advice sa akin ng doctors ko sa NBI, na hindi pa po talaga ako handa na pag-usapan yung buong nangyari sa akin.
“Nakakatakot po kasi at nakakahiya po. Ang hirap kasi po para sa akin na makita silang dalawa, like, live. Maraming salamat po sa pag-intindi.
“And ayoko rin po kasing mangyari ito sa iba kaya po sabi ko sa kapatid ko na sana huwag mangyari sa kanya yung nangyari sa akin kasi napakahirap ho,” simulang pagbabahagi ni Sandro.
Pag-amin pa niya, “Hirap na hirap po ako makatulog. Hindi po ako makakain. Araw-araw po ako na ina-anxiety saka hanggang ngayon po, diring-diri pa rin ako sa sarili ko.”
Ayon pa sa binata, talagang hindi raw siya okay ngayon matapos ang nangyari, “I try my best to be okay para hindi masyadong mag-alala yung pamilya ko.
“Pero yung mommy ko na nasa States, araw-araw na umiiyak kasi sinisisi niya yung sarili niya na malayo siya sa akin at hindi niya po ako maprotektahan.
“Yun po yung every day ko na naiisip para maging okay po ako, pero yung totoo po, hindi po talaga ako okay,” paglalahad pa niya.
“Bilang isang biktima, nais ko po ibahagi yung pinapaniwalaan ko na puwedeng ma-consider po.
“Una po yung laws na related sa sexual abuse should all be gender neutral, mapababae, mapalalaki man, dapat po non-traditional yung sexual acts.
“Hindi naman po namimili ng kasarian ang sexual abuse and marami naman po paraan na pang-aabuso na baka hindi po malinaw sa ating mga batas na ginagawa lamang ng mga babae at lalaki.
“Sana po magkaroon ng batas para protektahan yung mga biktima. Nakakatakot po kasi talaga, like sabi po ni Kuya Gerald Santos, it’s really hard to speak up,” dagdag pang pahayag ng aktor.
Sabi pa ng binata, totoong natakot siyang magsumbong sa kanyang pamilya at sa mga kinauukulan, “Kahit po sa Papa ko, nahirapan po akong magsabi. Umiiyak po ako sa harap niya.
“Kasi napakahirap po tanggapin na binaboy ka. Hinarass ka, lahat po ng bagay na yon, para ka pong inaapak-apakan. So, parang nakakababa ho.
“Nakakatakot po talagang magsumbong. Ako nga po, inabot ako ng sampung araw bago po ako magsabi, mag-report.
“Actually, ayoko po talaga kumalat ito kasi natatakot po ako na maapektuhan yung career ko sa GMA. Kasi, three years ko po inalagaan yung pangalan ko sa GMA.
“Lahat po, pinakisamahan ko nang maayos. Lahat po ng mga boss ko. Even yung manager ko, alam po nila yan.
“And sana po, magkaroon ng support services na ready na makapagsumbong po agad yung mga biktima na katulad ko po.
“Kasi hindi naman lahat, may kakayahan na magsumbong freely. Kasi, puwede po silang balikan ng perpetrators na gumawa ng case na yon,” rebelasyon pa ni Sandro Muhlach.
Kahapon, na-bad trip si Sen. Jinggoy Estrada kay Jojo Nones dahil feeling niya ay patuloy na nagsisinungaling ang writer at independent contractor ng GMA kahit pa under oath siya sa isinasagawang pagdinig.
Kaya naman na-cite in contempt si Nones at ipinag-utos nga ng Senado na i-detain siya hangga’t hindi siya nagsasabi ng katotohanan.