Hustisya sigaw ng ina ng kadeteng namatay matapos parusahan dahil sa emoji
NANGHIHINGI ngayon ng hustisya ang ina ng namatay na 19-anyos na kadete sa maritime academy sa Calamba City, Laguna.
Ito’y matapos na parusahan ang kadeteng si Cadet Vince Andrew Anihon Delos Reyes noong July 8, nang dahil umano sa thumps-up emoji niya sa isang group chat.
Base sa police report, idineklarang dead on arrival sa ospital ang kadete matapos makaranas ng hirap sa paghinga at bumagsak sa kanyang cabin sa NYK-TDG Maritime Academy (NTMA).
Ngunit hinala ni Ana, maaaring matindi ang ibinigay na parusa sa kanyang anak na nangyari sa loob ng isang kuwarto at batay na rin sa pahayag ng ilang witness sa nangyari.
Baka Bet Mo: P3.5-M pabuya sa makapagtuturo, makakahuli sa pumatay kay Johnny Walker
Aniya, hindi siya naniniwala na basta na lang babagsak ang anak dahil alam niyang malusog ito at malakas ang pangangatawan.
Ayon sa ulat, pinatawan ng parusa ng isang nagngangalang Nathaniel si Vince (push-ups) matapos aksidenteng mag-send ng thumbs-up emoji sa group chat ng corps of cadets. At dito nga raw biglang tumumba si Vince hanggang sa hindi na umabot ng buhay sa ospital.
Kasunod nito, nanawagan si Ana sa mga otoridad na magsagawa ng malalimang imbestigasyon at managot ang dapat managot sa pagkamatay ni Vince.
Kuwento pa ng ina ni Vince agad silang nagtungo ng kanyang asawa sa Barangay Canlubang sa Calamba City mula sa Baco, Oriental Mindoro, nang tawagan sila ng staff ng NTMA at ipaalam ang nangyari kay Cadet Vince.
Pagdating daw nila sa Calamba, nagtungo sila agad sa Calamba City Police Station, kasama ang isang suspek na si Nathaniel at apat na testigo.
Nang usisain ni Ana sa mga witness kung ano ang laman ng group chat na umano’y naging dahilan kung bakit pinarusahan ang anak, ay wala raw malinaw na sagot ang mga ito.
Baka Bet Mo: Lolit Solis sa kaso ni Vhong Navarro: Iwanan na natin sa hustisya ang lahat
Ayon pa raw sa isang classmate ni Vince, kayang-kaya ng binata na gumawa ng 300 push-up hanggang 1,000 kaya impossible raw na namatay ito sa heart attack. Bukod pa sa “very strict” daw ng NTMA sa medical checkup.
Sabi ni Ana, napakasakit daw mawalan ng anak, “Napakahirap tanggapin ang nangyari sa aking anak. Pero susubukan kong tanggapin. Ang tanging nais ko lamang ngayon ay makamit ang hustisya,” sabi ni Ana sa panayam ng INQUIRER.net.
Nakaburol ang labi ng kadete sa kanilang tahanan sa Brgy. Tagumpay, Baco.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.