Sports analyst Chino Trinidad pumanaw na sa edad 56
SUMAKABILANG-BUHAY na ang veteran sports journalist na si Chino Trinidad. Siya ay 56 years old.
Pumanaw kagabi, July 13, ang beteranong mamamahayag, matapos atakihin sa puso.
Mismong ang anak niyang si Floresse Trinidad ang nagkumpirma sa GMA ng malungkot na balita. Aniya sa isang text message, “Yes, we are very sad to share the news of his passing last night, July 13, 2024.”
Patungo sana si Chino sa Newport World Resorts sa Pasay City kahapon para sa isang meeting kasama ang ilang kilalang personalidad, kabilang na ang billiard champion na si Efren “Bata” Reyes.
Bigla na lang umanong inatake sa puso ang veteran sports analyst at agad na isinugod sa San Juan de Dios Hospital, Roxas Boulevard sa Pasay kung saan siya binawian ng buhay.
Baka Bet Mo: Krissy Achino lie-low muna sa panggagaya kay Kris: Respeto lang
Base sa pahayag ng mga anak ni Chino, isang “passionate member of the media and sports community.”
“Known to many through his storytelling, he never stopped sharing the greatness of Filipinos.
“He was a loving husband and a supportive father. He will truly be missed,” ang sabi pa ng naulilang pamilya ni Chino Trinidad.
Habang isinusulat namin ang balitang ito ay wala pang inilalabas na detalye ang pamilya ng sports journalist tungkol sa kanyang burol.
Bumuhos naman ang mensahe ng pakikiramay at pakikisimpatya sa mga naulilang kapamilya ni Chino, kabilang na riyan ang mga kasamahan at katrabaho niya sa sports media.
Si Chino ay anak ng veteran sports columnist na si Recah Trinidad. Year 1991 nang una siyang sumabak sa mundo ng palakasan bilang sports reporter sa radyo.
Naging sideline reporter din siya at game commentator sa Philippine Basketball Association at mga boxing events. Itinalaga rin siyang commissioner ng Philippine Basketball League noong 2000 at tumagal hanggang 2010.
Last May, 2024 naging commisioner din siya ng Sharks Billiards Association, na siyang unang billiards professional league sa Pilipinas.
Ilang taon din siyang nagtrabaho sa GMA 7 bilang sports reporter hanggang sa lisanin niya ang network noong 2023 makalipas ang 23 years bilang Kapuso.
Walang ibinigay na mga dahilan si Chino sa pag-alis niya sa GMA pero ang sabi niya sa isang interview, “Ang wish ko lang, ang prayer ko lang sana nagtapos nang maayos at hindi sa paraan na ganito na yung pagtatapos na mapait.”
Sabi pa ni Chino, ang yumaong broadcaster na si Mike Enriquez daw ang nagdala sa kanya sa GMA noong 2000, “Kinuha niya ako sa DZBB. And that started my career, it gave me life, gave my family, gave me a platform for the last 23 years.”
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.