PAGASA may binabantayang LPA malapit sa Mindanao, posibleng maging bagyo
IHANDA na ang mga payong, kapote at ilan pang panangga sa ulan, mga ka-BANDERA!
Posible kasing maging bagyo sa mga susunod na araw ang Low Pressure Area (LPA) na nasa labas ng ating bansa, ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA).
Ang sama ng panahon ay nasa layong 1,080 kilometers silangan ng Southeastern Mindanao.
Ayon kay PAGASA Weather Specialist Aldczar Aurelio sa isang press briefing ngayong umaga, May 23, Inaasahan papasok ang LPA sa ating bansa ngayong araw.
“‘Yun pong Low Pressure Area –ito po ‘yung mga makakapal na ulap po sa labas pa rin po ng ating Philippine Area of Responsibility,” panimula niya habang itinuturo ang kumpul-kumpol na mga ulap sa kanyang monitor.
Baka Bet Mo: PAGASA: Posibleng may 1 o 2 bagyo sa bansa ngayong Mayo
Paliwanag niya, “Ang magiging track o pagkilos ng Low Pressure Area ay lalapit po sa ating bansa. Una po sa Eastern Visayas, and then lalapit po sa eastern section ng Luzon. Ibig sabihin, recurving po ang magiging track ng Low Pressure Area.”
Sakali ngang maging bagyo, ito ang una para sa taong 2024 at binigyan ng pangalan na “Aghon.”
Kahit may LPA, sinabi ng weather specialist na Easterlies pa rin ang nakakaapekto sa bansa, kaya asahan pa rin daw ang maganda at maaliwalas na panahon sa bansa.
Ngunit pagdating ng hapon o gabi ay may mga panaka-nakang pag-ulan na mararanasan sa ilang lugar.
Base sa daily weather bulletin na ibinandera ng PAGASA sa website, maulap na kalangitan na may isolated rainshowers or thunderstorms ang aasahan sa Metro Manila at sa nalalabing bahagi ng bansa dahil sa Easterlies.
Kung maaalala, nauna nang binanggit ng ahensya na posibleng may pusmasok na isa o dalawang bagyo sa ating bansa ngayong buwan ng Mayo.
Pinaalalahanan ng PAGASA ang publiko na bantayan ang weather updates dahil nagbabago-bago rin ang track at forecast ng bagyo.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.