Deniece Cornejo nakakulong sa Mandaluyong, Cedric Lee nasa NBI pa rin
DINALA sa magkakaibang kulungan sa Metro Manila sina Deniece Cornejo, Cedric Lee at iba pang nahatulan ng serious illegal detention for ransom na isinampa ng TV host-actor na si Vhong Navarro.
Nasa Correctional Institution for Women sa Mandaluyong City si Deniece, habang ang kanyang fellow convict na si Simeon Raz ay inilagay sa Reception and Diagnostic Center ng New Bilibid Prison (NBP) sa Muntinlupa City.
Ngunit si Cedric ay nasa National Bureau of Investigation (NBI) pa rin at hinahanapan pa ng presinto, ayon sa director general ng Bureau of Corrections (BuCor) na si Gregorio Catapang Jr.
“Since we are no longer allowed to accept any more PDLs (persons deprived of liberty) at the NBP and with the ongoing decongestion program being implemented, I have ordered acting NBP superintendent, Corrections Chief Inspector Roger Boncales, to determine where they will be committed, just like any other newly committed PDLs,” sey ni Catapang.
Ayon sa BuCor, ang mga bagong PDL ay magku-quarantine sa loob ng limang araw at hindi pa sila pwedeng bisitahin.
Baka Bet Mo: Vina OK na ang relasyon kay Cedric Lee, hiwalay na ba sa dyowang afam?
Kasunod niyan ay ang 55-day process ng diagnostic procedures na kinabibilangan ng medical, sociological, psychological, educational at classification.
Si Cedric, Deniece at ang respondents na sina Ferdinand Guerrero at Simeon Palma Raz ay sinentensyahan ng 40 years na pagkakakulong ng Taguig Regional Trial Court 153 noong May 2.
Bukod pa riyan ay kanselado na rin ang kanilang bail bond, ngunit maaari pa rin naman nilang iapela ang naging desisyon ng korte.
Kung matatandaan, ang naturang kaso ay nag-ugat sa pambubugbog, paggapos, pananakot at pagditine ng apat na akusado kay Vhong sa condo unit ni Deniece sa Taguig City noong January 2014.
Maaalala rin na nauna nang hinatulan ng guilty sina Cedric at Deniece para sa kasong grave coercion na isinampa rin ni Vhong kaugnay pa rin sa naturang insidente.
Grateful naman ang aktor sa inilabas na desisyon ng korte laban sa apat na akusado.
Sa programang “It’s Showtime” kamakailan lang, sinabi ng TV host na masaya siya dahil matagal na niyang inaantay na makamit ang hustisyang ito.
“Gusto ko munang [kunin] itong pagkakataon na ito para magpasalamat. Of course, maraming-maraming salamat, Lord, dahil lagi Ka nakagabay sa akin,” sey niya.
Ani pa niya, “Sa raming pinagdaanan ko sa buhay, nandiyan Ka, Ikaw naging sentro ko, at napakatotoo Mo. Kaya maraming-maraming salamat.”
Kasunod niyan ay pinasalamatan din ni Vhong ang Taguig RTC, kanyang legal team sa pamumuno naman ni Atty. Mallonga, ABS-CBN family, mga tagahanga, pati ang kanyang asawa na si Tanya Bautista at mga anak nitong sina Bruce at Yce.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.