Bandera Editorial
IPAGDIWANG natin ang muling panalo ni Sarangani Rep. Manny Pacquiao. Sabayan natin ang buong mundo, na di makapaniwalang may Pinoy na walang kupas ang lakas, sigla, talas ng pag-iisip at dedikasyon sa larangang kanyang pinasok. Higit sa lahat, purihin at tularan natin si Pacquiao sa kanyang walang sawang pag-aalay ng kanyang mga laban sa May Lumikha.
Ipagmalaki natin ang Pambansang Kamao. Tayo lang ang meron niyan sa buong mundo. Kapag siya’y tumutuntong sa parisukat na lona, tulad natin, humihinto rin ang sangkatauhan ng boksing para panoorin si Pacquiao. Sa bawat panalo, di lang nagdiriwang ang mundo, kundi ipinagbubunyi rin nila ang pambihirang kakayanan ni Pacquiao. Di kapani-paniwala pero totoo.
Totoo ngang napagbubuklod ang lahat ng Pinoy, magkakaiba man ang kulay ng politika, ang paniniwala sa Lumikha, at ang panig sa digmaan.
Mahirap ka man o mayaman, may ipagmamalaki ka.
* * *
Editorial # 2: Huwag makalimot
DI dapat maging daan at dahilan ang labis na pagdiriwang para kalimutan ang malalaking problema ng kumakalam na sikmura at ang kawalang gana (may nagsasabing tila ayaw na ng Pinoy na mag-aral, dahil gayun din ang kanilang kinagisnan sa kanilang mga magulang) sa pag-aaral.
Solusyon nga ba ang pera na ibibigay sa nagugutom, para kapag muli siyang nagutom ay nakatanim na sa kanyang isip na pera nga ang solusyon sa kumakalam na sikmura?
Solusyon nga ba na bigyan ang mag-aaral ng bigas, o pera, para lamang siya pumasok sa eskuwela kahit wala na siyang interes sa pag-aaral (dahil hindi niya naintindihan ang itinuturo; walang kagana-gana ang nagtuturo; tamad ang nagtuturo; walang gamit sa pagturo; walang nagtuturo)?
Sa bawat hangad na mapawi ang gutom at mag-aral ang mga bata, “lagay” ba ang solusyon?
Huwag nating kalilimutan na maaaring mas lumala ang problema sa solusyong walang idudulot na tugon panghabambuhay.
Bandera, Philippine news at opinion, 111510
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.