Bakbakan ng mga sikat na K-drama actors sa ‘The Wild’ pasabog ang aksyon
NAGSAMA-SAMA ang pinakamatatapang sa Korea para sa isang matindi at makapigil-hiningang aksyon!
Game face on na at maghanda para sa isang ‘di malilimutang intense movie experience! Showing na ngayon ang “The Wild” sa mga sinehan nationwide.
Ang mga A-List at beteranong aktor ng South Korea na sina Park Sung Woong, Oh Dae Hwan, Oh Dal-Su, at Joo Seok-tae ay magkakasamang bibida sa isang kaabang-abang na crime-action movie.
Ang “The Wild” ay kuwento ni Woo-chul (Park Sung-woong), isang dating boksingero na nakulong matapos nitong aksidenteng mapatay ang kalaban sa isang underground arena.
Baka Bet Mo: Christopher de Leon inalala ang ‘most terrifying moments’ sa buhay
Matapos ang ilang taon, nakalaya si Woo-chul dahil sa pinakita nitong magandang asal sa loob ng kulungan.
Ngayong nabigyan siya ng pangalawang pagkakataon, plano ni Woo-chul na baguhin ang kanyang kapalaran at kalimutan ang madilim niyang nakaraan para magkaroon ng simpleng buhay.
Pero pipigilan ito ng dati niyang kaibigan na si Do-sik (Oh Dae-hwan) matapos nitong imbitahan si Woo-chul na sumali sa kanilang gang.
At kahit na ilang beses na tinanggihan ni Woo-chul ang panghihikayat sa kanya, hindi nito maiiwasang maipit sa gusot na pinasok ni Do-sik laban sa isang mapagsamantala at corrupt na police detective na si Jeong-gon (Joo Seok-tae), at sa drug smuggler na si Gak-su (Oh Dal-su).
Sunod-sunod na labanan, away kalye, gantihan, pagbabanta at wantusawang aksyon ang mangyayari, at walang titigil hangga’t walang nasasawi.
Matupad pa kaya ni Woo-chul ang kagustuhan na magbagong buhay? O hindi na siya makakawala sa mundo ng gang wars?
Mapapanood rin sa “The Wild” ang rising Korean actress na si Seo Ji-Hye, mula ito sa direksyon ni Kim Bong-han, na naging director din ng ilang notable Korean Films tulad ng The Golden Holiday noong 2020 at Ordinary Person noong 2017.
Ibinahagi ng director ang ibinigay ng oras at dedikasyon sa paggawa ng pelikulang ito, “Sobrang dami ng inilaan kong oras para siguradong magiging pulido ang pelikula.”
Ibinahagi rin ng direktor na gusto niyang bigyan ang mga manonood ng isang Korean noir experience at gawin itong mas nakakaengganyo kaya ginawa niya itong detalyado at punong-puno ng mga nakakabilib na action scenes.
“Gusto kong makagawa ng isang Korean noir na mukhang walang puso pero makatao,” saad ni Bong-han.
Mula sa Ascendio., CO. LTD., JNC Media Group, K-Movie Entertainment, at Viva Films, ito na ang action-movie event na hindi mo dapat palalampasin!
Watch na ng “The Wild” sa mga sinehan para ma-experience n’yo rin ang bonggang-bonggang aksyon at drama na hatid ng pelikula.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.