MATINDI rin ang ginawang pagsasakripisyo ng kambal na anak nina Aga Muhlach at Charlene Gonzales habang nag-aaral sa ibang bansa.
Bata pa lang ay talagang tinuruan na ng celebrity couple sina Atasha at Andres Muhlach tungkol sa usaping financial management.
Kuwento ni Aga, noong nag-aaral pa ang mga ito sa Europe, talagang may ibinibigay silang allowance sa dalawang anak na kailangan nilang pagkasyahin sa loob ng isang buwan.
Kumuha si Atasha ng business program sa Nottingham, United Kingdom habang si Andres naman ay pumasok sa Arts school sa Spain. At doon nga raw natuto ang mga bagets kung paano mag-budget.
Kuwento ni Aga sa YouTube vlog ni Vice Ganda, “Akala ng iba, iniisip nila they’re rich kids, spoiled kids. No, no, no, no!
“Yung baon nila, kunyari yung lalaki ko, lapag nagkainuman silang college students, ganyan, kung anong ginastos n’yo roon at naubos niya yung ano niya, kunyari may ganito siyang amount na ito, wala siyang kakainin. Hindi siya puwede tumawag sa akin,” sey ng tatay nina Atasha at Andres.
Shookt na reaksyon ni Vice, “Ah talaga, walang extra?!”
“Ang sa akin naman siyempre yung apartments nila, sa amin yun. I mean, everything’s there. But yung baon nila for food?
“Monthly, I’ll tell you, 400 euros (P24,000 plus) and then that became 500 (P30,000 plus). At the most, 600 euros (P36,000 plus) 36 a month, 36,000 pesos,” sey pa ni Aga.
Sabi ni Vice, malaking halaga na yun dito sa Pilipinas pero parang kulang pa yun kapag ginastos sa Europe, “Kasi kung dito mo gagamitin yung P36,000, malaki yun. Sa Pilipinas, ha.
“Pero kung sa ibang bansa mo gagamitin, ang liit nu’ng 36,000 ha. Kasi iba yung value ng pera doon. Iba din yung cost of living,” ang punto pa ni Vice.
Sang-ayon din si Aga sa TV host-comedian, “Maliit yun. So, alam namin. Yung food niyo, makibagay kayo diyan. Or matuto kayo gumawa ng paraan kung paano kayo gagawa ng pera diyan.’”
Baka Bet Mo: Kambal na anak nina Aga at Charlene normal ang naging buhay noong bata, nakaranas ng iba’t ibang laro sa probinsya
Pag-alala pa ni Aga sa nangyari sa isa niyang anak, “May kuwento nga si Andres, minsan daw, nu’ng pumunta kami du’n, tapos pag-alis namin sa apartment niya, ilang weeks pa, may pagkain siya, ang daming stock.
“Then one day daw, he went out. And pag-uwi niya, naubos niya yung pera niya, then there was no food. Walang pagkain, nagkakalkal siya.
“Tapos pagbukas niya sa sulok, may nakita lang siyang peanut butter na naiwan namin. Parang ikinukuwento niya lang sa akin, parang ‘Hallelujah!’ yung peanut butter na iyon na talagang sabi niya (magmuwestra ng sarap na sarap na tunog).
“Kasi wala siyang pambili tapos wala siyang pagkain, tapos madaling araw na. Nung nagising siya, wala siyang pagkain.
“So that’s being irresponsible kasi sa kanya. Kasi dapat, yung mga groceries mo, ii-stock mo diyan. Magtipid ka, di ba? Magluto ka, magganyan ka. E, napagastos ka sa labas, e, di ubos ka,” pagbabahagi ni Aga.
Sey naman ni Vice, “Ibang learning iyon. Learning na wala don sa eskuwelahan. And it’s very important to learn those things.”
Pahabol pang chika ni Aga tungkol sa kambal, “So now, even with them growing up, di sila humihingi ng pera. Nahihiya sila.”