BINALIKAN ng award-winning actor na si Jiro Manio ang ilang araw na pagtira sa loob ng Ninoy Aquino International Airport (NAIA) noong 2015.
Nagkaroon ng heart-to-heart talk si Jiro at ang magaling ding aktor na si Baron Geisler kung saan napag-usapan nila ang kanilang mga naging bisyo noon.
Matatandaang nagkasama ang dalawang aktor sa 2009 TV series na “Tayong Dalawa” ng ABS-CBN na pinagbidahan nina Jake Cuenca, Kim Chiu at Gerald Anderson.
Sa chikahan nina Jiro at Baron, napag-usapan nga nila ang tungkol sa mga bisyo nila at kung paano sila nakabangon mula sa kanilang pagkalulong.
Baka Bet Mo: Dating child actor na si Jiro Manio co-facilitator na sa pinasukang rehab; ayaw munang bumalik sa showbiz
Natanong ni Baron kay Jiro ang tungkol sa nangyari sa kanya noon sa NAIA 2015 na naging malaking isyu rin sa mundo ng showbiz. Na-headline talaga ang dating child star sa nasabing insidente.
“Four days ako du’n,” pag-amin ni Jiro.
“Ano ang nasa utak mo?” ang tanong sa kanya ni Baron.
Tugon ni Jiro, “Alam mo na, high ako nu’n. Galing ako sa amin, may dala akong cellphone.”
Ang natatandaan ng aktor, ang dala raw niyang cellphone ang ibinayad niya sa taxi na naghatid sa kanya sa airport.
“Kasi, sabi ko du’n sa taxi driver, ‘Nong, dito na lang ako.’ Bababa ako, hinawakan ako. ‘Saan ka pupunta? Magbayad ka!’
Baka Bet Mo: Netizens nanawagan kay Coco na kunin si Jiro Manio sa ‘Batang Quiapo’
“’Wala akong pera, ‘Nong,’ sabi ko sa kanya,” pag-alala ni Jiro na ikinagalit ng taxi driver.
Tinalakan daw siya ng driver at sinabihang bakit daw siya sumakay ng taxi gayung wala naman pala siyang pambayad. Ipahuhuli raw siya sa mga pulis kapag hindi siya nagbayad.
Kaya ang sabi niya sa taxi driver, “’Nong, ito na lang, cellphone ko kasi wala talaga akong pera. Hinihintay na kasi ako ng mga kasama ko diyan, e,’ sabi ko. Tinanggap niya sabay nakaalis ako,” kuwento ni Jiro.
Sa tanong ni Baron kung bakit nagpunta siya sa NAIA, sagot ng aktor, “Wala talaga akong kasama. Du’n lang lumipad ang isip ko. Stranded ako du’n, four days.”
Nakilala raw siya ng mga empleyado at staff ng NAIA kaya pinayagan siyang maligo sa isang CR doon, “’Tapos binigyan ako ng pera, pinagbihis ako. Naawa daw sila sa akin kasi nga kilala nila ako. ‘Si Jiro Manio ito, ah!’”
Next question ni Baron kay Jiro, bakit siya gumamit at naadik sa droga, “Curiosity. At saka gusto ko rin talagang subukan.
“Kasi dahil sa tinitirahan namin dati, medyo closed environment sila, tabi-tabi lang ang bahay. Kapag dumadayo ako du’n sa mga tropa ko, walang usapan kundi marijuana, sigarilyo, alak.
“Basta di naaalis yun sa usapan. Dahil maraming pusher saka mga user,” aniya pa. Dugtong ni Jiro, 14 years old daw siya nang unang makatikim ng marijuana.
Sey naman sa kanya ni Baron, “Mas nauna ako sa iyo, dose ako.”
Marami naman daw mababait at mabubuting kaibigan si Jiro noong kasagsagan ng kasikatan niya, “Pero nandu’n din yung masasamang kaibigan na kahit saan ako magpunta, nakikita ko sila at hindi ko maiwasan na mapaaway nu’n.”
Nagsisi rin daw siya noong unang ma-rehab, “Nahirapan ako. Kasi talaga noong nakakulong ako, feel na feel ko, e.
“Sabi ko, ‘Ito, pinagsisihan ko ito. Hindi ako lalabas dito hangga’t hindi ko natitiis lahat. Mga ipinaramdam kong pagkakamali sa pamilya ko. Kahit noong nakulong talaga ako nang totoo, hindi lang rehab,” pagbabahagi pa ng aktor.
Dalawang linggong nakulong noong 2020 si Jiro, “Ang hirap. Nakakatakot na nakakabaliw.”
Seven years na ang nakalilipas mula nang lumabas si Jiro sa rehab. Apat na beses siyang nagpa-rehab sa loob ng ilang taon, “Yung una ko, one year. Pangalawa ko, two years. Pangatlo ko, six months. ‘Tapos inilipat ako. Na-transfer ako sa Bataan.”
Samantala, napag-usapan din sa video ng dalawa ang tungkol sa lovelife. Wala raw karelasyon si Jiro ngayon, “Pero bukas naman ako, open naman ako, 31 pa lang ako, e.
“Pero hiwalay kasi kami nu’ng nanay ng mga anak ko. Hiwalay kami dahil sa pagda-drugs ko nga. Saka naubos yung mga ipinundar ko, mga kinita ko.
“Saka medyo nasasaktan ko siya (nanay ng mga anak). Aminado naman ako du’n. Kaya pinagsisihan ko lahat yun kahit noong nasa rehab ako.
“Inamin ko sa mga pari dun kung ano ba yung puwede kong maging revelation para makabawi ako sa pamilya ko, mapalitan ko lahat yung mga pagkukulang ko,” pag-amin ni Jiro na dalawa ang anak sa dating dyowa — 16 years old ang panganay habang 14 naman ang isa.
Nang usisain ni Baron si Jiro tungkol sa kanyang dream role ngayon, “Siguro yung kahit ano lang, kahit kasama lang ng bida, mga ganun. Kontrabida, puwede na rin sa akin yun.
“Medyo umiiwas ako sa drama. Kasi, di ba, nung bata ako babad ako dun? Kaya ang sabi ko nu’ng may kumukuha sa akin, ‘Baka po drama?’ Di ka naman daw masyadong emotional dito,’ sabi nila,” aniya.
At nang sabihin sa kanya na gaganap daw siyang isa sa mga goons na may pagka-military, “Natuwa ako. Sabi ko, ‘Uy, okey ‘to, bago ‘to, a.’ Parang Bagong Buwan.”
Ang tinutukoy niyang “Bagong Buwan” ay ang pelikula ng Star Cinema na pinagbidahan ni Cesar Montano at dinirek ng yumaong National Artist for Film and Broadcast Arts na si Marilou Diaz-Abaya. Ipinalabas ito noong 2001.
Sa huli, nangako naman si Baron na kakausapin niya ang kanyang talent manager para maihanap ng mga projects si Jiro Manio.