“CHALLENGE accepted!” Game na game si Direk Sigrid Bernardo na “pagtambalin” sa pelikula sina Kathryn Bernardo at Nadine Lustre.
Aprub na aprub sa madlang pipol na pagsamahin sina Kathryn at Nadine sa possible remake ng classic LGBTQIA+ movie na “T-Bird At Ako” na pinagbidahan Nina Nora Aunor at Vilma Santos.
Kasabay nito, marami ang nagsasabi na perfect na maging direktor nito ay si Sigrid dahil siguradong makaka-relate ang dalawang award-winning actress sa kanya, dahil pare-pareho silang mga babae.
Baka Bet Mo: Klea Pineda itinago sa pamilya ang pagiging lesbian, pero nabuking din ng ina dahil sa cellphone
At in fairness, sanay na sanay na rin si Sigrid sa pagdidirek ng mga GL (Girl’s Love) projects. Siya ang nagdirek ng pelikulang “Ang Huling Cha-Cha ni Anita nina Therese Malvar at Angel Aquino, at ang lesbian series na “Lulu” nina Rhen Escaño at Rita Martinez.
“I think, malaking challenge rin talaga sa akin ang lesbian movie. Puwedeng ‘T-bird at Ako’. I would love to direct them sa isang lesbian, or a mature lesbian movie.
“Unang-una, nahuhusayan ako sa kanilang dalawa. Ang gagaling nilang artista,” sabi ni Direk Sigrid sa presscon ng CinePanalo Film Festival kung saan pumasok ang entry nilang “Pushcart Tales.”
Patuloy ng filmmaker, “Ang tagal ko na rin kasing hindi gumagawa ng lesbian movie. Ang last ko nga sa movie ay sina Therese at Angel, but it’s a coming of age movie, and then ‘yung ‘Lulu’ nga ay series.
“So, ito nga, I really want to do a film na mature naman ang dating. Na nasa right age sila, about a relationship, sa struggle nila being in a relationships.
“Mas maganda kung pareho silang lesbian. Kung sina Kathryn at Nadine talaga, ha! Gusto ko lesbian silang dalawa.
Baka Bet Mo: Dating sexy star maligaya na sa piling ng lesbian lover, hindi raw naging happy sa ex-hubby
“I think, this is the right time na gumawa silang dalawa (ng ganitong tema). Sana, sana,” sey pa ni Direk Sigrid.
Samantala, bukod sa “Pushcart Tales” ni Direk Sigrid, pasok din sa Puregold CinePanalo Film Festival ang movie ni Kurt Soberano na “Under the Piaya Moon”; “One Day League: Dead Mother, Dead All” ni Eugene Torres; ang pelikula ni Raynier Brizuela na “Boys at the Back”; “Road to Happy” ni Joel Ferrer; at ang entry ni Carlo Obispo na “A Lab Story.”
Ang anim na kasali sa full-length film category ay binigyan ng P2.5 million bawat isa, para gamitin sa pagbuo ng kanilang pelikula.
Ang 6 na entry sa CinePanalo full-length and 25 short films ay mapapanood sa Gateway Cinemas sa Cubao mula sa March 15 hanggang 17, 2024, pati na sa Puregold official YouTube channel at TikTok account.