Target ni Tulfo by Mon Tulfo
SOBRA na ang pagbabanta ng Catholic Bishops Conference of the Philippines (CBCP) na ititiwalag si P-Noy dahil sa kanyang pagsulong ng family planning! They are playing gods over the President of the Republic. Sobrang pakikialam ng mga pari’t obisyo sa gawain ng gobyerno. Nakakalimutan ba nilang may separation of Church and State na nakasaad sa Saligang Batas? Bakit hindi na lang hayaan ng Simbahang Katolika na gumawa ng sariling diskarte ang pamahalaan tungkol sa ikabubuti ng bansa at mamamayan?
* * *
Ano ba ang sinabi ni P-Noy na ikinagalit ng CBCP? Ang hayaan ang mag-asawa na makapamili ng kanilang pamamaraan ng paggawa ng bata. Ang sabi ng gobyerno ay puwedeng mamili ang mag-asawa sa mga sumusunod na paraan: paggamit ng condom; paggamit ng pills or injectable contraceptive; rhythm method; abstinence o pagpipigil sa pagtalik. Mahirap masunod ang kautusan ng Simbahan na pigilin ng mag-asawa ang pagtatalik at bilangin ang mga araw kung saan hindi mabubuntis si babae. Paanong naging “heinous crime” sa Simbahan ang paggamit ng condom, paggamit ng pills o injectables na magreresulta sa excommunication or pagtiwalag kay Pangulong Noy?
* * *
Ano ba ang mas malaking kasalanan: Ang pigilin ang pag-anak sa pamamagitan ng paggamit ng condom, o hayaang manganak ang babae pero di mabigyan ng magandang kinabukasan ang anak? Di ba kasalanang mortal ang manganak ng manganak ang mag-asawa at hayaan ang kanilang mga supling na pakalat-kalat sa kalye na hubo’t hubad at nagugutom? Anong klaseng pag-iisip ang nasa mga pari’t obispo?
* * *
Naging guest ko sa aking programang “TNT” sa DZIQ-Radyo Inquirer si Bishop Deogracias Yniguez, isa sa mga haligi ng CBCP. Tinanong namin ni Reysie Amado, ang aking co-host, kung bakit hindi itinitiwalag ang mga pari na humalay sa mga bata sa America at yung mga pari na nagkaanak sa kanilang mga parishioners. Sinabi ni Yniguez na hindi raw ito nakasaad sa Canon Law o Batas ng Simbahan. Kabilang na nakasaad sa Canon Law na mga itinitiwalag ay mga taong nagpalaglag ng bata sa sinapupunan, at pananakit sa Santo Papa. Pinaalahanan ko ang obispo ang sinabi ni Jesus na ang mga taong naging masamang impluwensiya sa mga bata ay dapat talian ng bato sa leeg at itapon sa dagat. Pero sinabi ni Yniguez na wala kasing parusa sa Canon Law ang paghahalay ng mga bata ng isang pari. Kung gayon, hindi makatuwiran ang Canon Law at dapat ay hindi ito sinusunod sa aspeto ng family planning.
* * *
Karamihan daw sa mga pulis ay walang nalalaman tungkol sa karapatang pantao o human rights ng mamamayan. Ito ay pag-aamin mismo ng bagong hepe ng Philippine National Police (PNP) na si Director General Raul Bacalzo. Nubenta porsiyento (90 percent) sa mga panghuhuli ng mga pulis ay ginawa na walang paggalang sa karatang pantao ng mga naaresto. Mabuti naman at ibinunyag ni Bacalzo ang tiwaling gawain ng kanyang mga tauhan sa paghuli ng suspects. Sana ay bigyan niya rin ng pansin ang mga kasong isinampa ng mga sibilyan laban sa mga pulis sa iba’t ibang ahensiya ng kapulisan gaya ng Napolcom, Internal Affair Service at People’s Law Enforcement Board (PLEB). Batay sa aking karanasan bilang host ng public service program na “Isumbong mo kay Tulfo,” napakaraming abusadong pulis. Sa sampung taong nagrereklamo sa aking tanggapan, pito hanggang walo ang inirereklamo ay pang-aabuso sa kanila ng pulis. Tama na ang daldalan, dapat may aksyon.
Bandera, Philippine news at opinion, 090410
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.