GUMAWA ng ingay ang pelikulang “Pieta” nina Nora Aunor at Alfred Vargas bago ipalabas ang 10 kalahok sa Metro Manila Film Festival 2023 nitong Disyembre 25.
Bigla kasing nagkaroon ng advance screening ang “Pieta” sa Sine Pop sa St. Mary’s Street, Cubao Quezon City at sa Cinema Cafe 76 sa may Scout Borromeo Street cor. Tomas Morato Avenue, Q.C. para sa mga supporters ng nag-iisang Superstar.
Hindi kasi nakapasok ang “Pieta” na entry ng Alternative Vision Cinema ni Konsehal Alfred sa MMFF kaya walang chance para mapanood ito ng nga Noranians sa mga sinehan.
Naiinip na ang ibang fans ni Ate Guy kung sa 2024 pa ito ipalalabas kaya nagdesisyon na rin ang producer at direktor na si Adolf Alix, Jr. na magkaroon ng screening.
Kasabay na rin itong ipinapanood sa piling entertainment press at nagkaisa naman ang lahat sa pagsasabing sayang at hindi ito na-consider sa MMFF ngayong taon.
Baka Bet Mo: Matagal nang pangarap ni Alfred Vargas tinupad nina Ate Guy, Gina at Jaclyn: ‘Thank you, Lord!’
Tiyak na si Ate Guy ang magiging mahigpit na katunggali ni Ms. Vilma Santos-Recto na siyang hinirang na Best Actress sa ginanap na MMFF 2023 Gabi ng Parangal para sa pelikulang “When I Met You in Tokyo.”
Wala pa ring kupas ang Superstar pagdating sa pag-arte lalo’t ang karakter niya ay may Alzheimer’s at hindi pa nakakakita pero pagdating sa nag-iisang anak na si Alfred ay hindi niya nalilimutan kung nasaan ito kahit matagal silang hindi nagkita.
At dahil wala ang anak sa tabi ng inang maysakit ay ang kaibigan nitong matalik na ginagampanan ni Direk Gina Alajar ang buong pusong nag-aalaga sa kanya pati ang pagma-manage ng negosyong tubuhan.
Malalaman sa ending ng pelikula kung bakit ganu’n ka-close sina direk Gina at Nora sa isa’t isa at bakit nahiwalay naman si Alfred sa ina.
Nakailang version na ang “Pieta” na nagsimula noong 1983 na ginampanan ni Vivian Velez at ng mga namayapang Ace Vergel at Ms. Charito Solis bilang mag-ina mula sa direksyon ni Carlo J. Caparas.
Nagkaroon din ng “Pieta: Ikalawang Aklat” na sina Sen. Bong Revilla at Charito Solis naman ang gumanap na mag-ina, kasama rin si Vivian Velez na si Carlo J. ulit ang direktor.
Baka Bet Mo: Alfred Vargas kinakabahan na sa gagawing pelikula kasama si Ate Guy; iiwas na sa mga plastik at nega sa 2023
Sinundan ito ng TV series sa ABS-CBN noong 2008-2009 na pinagbidahan nina Ryan Agoncillo at ng namayapang si Cherie Gil na idinirek nina Don Cuaresma at Toto Natividad.
Pagkalipas ng 15 years ay muling mapapanood ang “Pieta” na nilagyan ng malaking pagbabago ni direk Adolf na dapat mapanood ng lahat dahil ibang atake naman ang ginampanan nina Alfred at Nora.
Anyway, napakagaling pa rin ni Nora pagdating sa dramahan dahil effortless ang pag-arte kaya nag-iisa talaga siyang superstar at itinanghal na National Artist.
Kasama rin sa cast sina Tommy Alejandrino, Bembol Roco, Elora Espano, at Jaclyn Jose at si Jerry Gracio ang sumulat ng script.
Isa pang dapat abangan ng manonood sa pelikula ay ang muling pag-awit ni Nora makalipas ang ilang taon. At kung walang pagbabago ay mapapanood na ang “Pieta” sa Enero, 2024.