“HINDI ko po ine-expect ito!” ang pag-amin ng Star for All Seasons na si Vilma Santos nang magwaging Best Actress sa Metro Manila Film Festival 2023 Gabi ng Parangal sa New Frontier Theater sa Quezon City kagabi.
Ito’y para sa pelikulang “When I Met You In Tokyo”. Tinalo niya sa laban sina Eugene Domingo (Becky & Badette), Pokwang (Becky & Badette), Sharon Cuneta (Family of Two), Beauty Gonzalez (Kampon) at Marian Rivera (Rewind).
Napaiyak din ang award-winning veteran actress sa kanyang acceptance speech kung saan sinabi nga niya na hindi niya inaasahan ang kanyang pagkapanalo.
“Hindi ko po ine-expect ito. Ang adbokasiya lang namin po talaga when we did ‘When I Met You In Tokyo’ is not even the Best Actress or the Best Actor, we just wanted to do a simple love story at sa edad po namin.
Baka Bet Mo: Vilma 60 years na sa showbiz: Imortal na ang Dyesebel at Darna na everytime pag-uusapan ‘yun, mababanggit ako…
“Pero ang talagang adbokasiya po namin ay maging successful ang Metro Manila Film Festival,” ang lumuluhang pahayag ni Ate Vi.
Patuloy pa niya, “And at the same time, mabalik po sana ‘yung mga tao sa sine. ‘Yun po ang aming inasam-asam, ‘yun po ang dream namin.
Baka Bet Mo: Vilma napakasakit ng iyak nang akusahang ‘scammer’ si Luis: ‘I didn’t expect na kaya nilang gawin iyon sa anak ko’
“Ang inasam-asam ko rin po sana kumita ‘yung movie namin para naman po sa mga bagong producers na tumaya po sa aming dalawa ni Christopher de Leon nang sa ganoon, mas mag-produce pa kayo nang marami po ang mabigyan ng trabaho,” aniya pa.
“With this 10 movies that are showing right now with Metro Manila Film Festival, bumabalik po ang mga sa sine, sana po magtuloy-tuloy.
“Dahil ito ang kailangan ng ating industriya, ang ma-appreciate po nila ang makasama po nila ang kanilang pamilya, family bonding and I think it is happening now, sana po magtuloy-tuloy,” aniya pa.
Inialay din ng movie icon ang natanggap na best actress award sa mga nakalaban niya, partikular na kina Sharon, Marian, Uge at Pokey na mga kaibigan din niya sa tunay na buhay.