Ronnie Alonte wish maging Lastikman tulad nina Bossing, Mark at Vhong: ‘Gusto ko ‘yung humahaba ang kamay ko’
By: Ervin Santiago
- 1 year ago
Ronnie Alonte
ANG ultimate goal pala ng Kapamilya actor na si Ronnie Alonte ay ang magampanan sa pelikula o serye ang iconic Pinoy superhero na Lastikman.
Matagal nang gustong magbida ni Ronnie sa TV o movie remake ng isa sa pinakasikat na Pinoy superhero kaya naman umaasa siya na one of these days ay mabibigyan ito ng katuparan.
“First year ko pa lang sa showbiz ‘yun na ang sinasabi ko, gusto ko maging Lastikman,” ang pagbabahagi ni Ronnie sa interview ng “Star Magic Celebrity Conversations.”
Pagpapatuloy pa niya, “Lahat ng Lastikman simula kay Mark Bautista, Vic Sotto hanggang sa naging Vhong Navarro, nasubaybayan ko.
“Sobrang fan ako ng Lastikman. Sabi ko, soon kapag naging artista ako, parang gusto ko maging Lastikman. Gusto ko ‘yung humahaba ang kamay ko,” chika pa ng boyfriend ni Loisa Andalio.
Sa tanong kung sinu-sino naman sa mga celebrities natin ngayon ang pangarap niyang makatrabaho, “Para sa akin kahit sino. Kasi bawat trabaho na nakakasama mo is mayroon kang natututunan.
“Kung sino man ang ibigay nila, wala naman siguro akong say na ‘gusto ko kasama ko si ganito, gusto ko kasama si ganyan…kung sino ang ibigay nila mas okay sa akin,” sabi pa ng binata.
Sa kasalukuyan ay napapanood si Ronnie sa hit ABS-CBN afternoon series na “Pira-Pirasong Paraiso” kasama ang girlfriend niyang si Loisa Andalio at sina Charlie Dizon, Elisse Joson at Alexa Ilacad.
* * *
Inilunsad ng award-winning musical director na si Troy Laureta ang kanyang bagong album na “Dalamhati” na naglalaman ng iba’t ibang original songs at cover ng ilang OPM classics.
Naglalaman ang album ng 24 na awitin kung saan kasama ni Troy ang ilan sa local at international music icons tulad nina Regine Velasquez (“Huwag Mo Kong Iwan”), Ogie Alcasid (“Pangarap Ko’y Ibigin Ka), Jed Madela (The Memory), Loren Alfred at Pia Toscano (“Gusto Ko Nang Bumitaw”), Katharine McPhee-Foster (“Kailan Kaya”), at marami pang iba.
“Being able to collaborate with amazing artists singing our songs will always be one of my greatest accomplishments,” ani Troy sa panibagong pagkakataong mabigyan ng bagong buhay ang gawang OPM.
Ito na ang huling bahagi ng album trilogy ni Troy na sinimulan niya nang inilabas ang unang album na “Kaibigan” noong 2020 at sinundan ng “Giliw” na inilunsad noong 2021.
Tampok sa remake niya ng “Akin Ka Na Lang” na nagsisilbing key track ng album ang singer-songwriter at “American Idol” season 6 winner na si Jordin Sparks. Iprinodyus ito ni Troy habang isinulat naman ni Kikx Salazar ang hugot ballad.’
Bago opisyal na ilunsad ang bago niyang album, nagsilbing patikim dito ang kanyang collab kasama si Martin Nievera na “Kay Ganda Ng Ating Musika” na unang inilabas.
Bukod sa pagiging tanyag na musical director, kilala rin si Troy bilang keyboardist at producer ng ilang world-renowned artists tulad nina Ariana Grande, Deborah Cox, Melanie Fiona, Cheesa, Tommy Page, at Iggy Azalea.
Naging mentor din niya ang Canadian musician at composer na si David Foster na naging impluwensiya niya sa kanyang iba’t ibang musical arrangement at production.
Damhin ang nakaantig na boses ni Troy sa kanyang bagong album na “Dalamhati” na napapakinggan sa iba’t ibang music streaming platforms. Para sa karagdagang detalye, sundan ang Star Music sa Facebook, Twitter, Instagram, Tiktok, at YouTube.