Cagayan Valley, Zambales M-Builders namayagpag
ISANG bagito at beteranong manlalaro ang sinandalan ng Cagayan Valley at Zambales M-Builders upang makuha ang mga panalo sa pagbubukas kahapon ng 2013-14 PBA D-League Aspirants’ Cup sa Ynares Sports Arena sa Pasig City.
Si Don Trollano, na naglaro para sa Adamson sa UAAP, ay gumawa ng 22 puntos at 11 rebounds sa unang salang sa liga para tulungan ang beteranong Rising Suns sa 83-74 tagumpay laban sa Café France.
Ang kamador na si Adrian Celada ay mayroong 20 puntos habang ang mga malalaking manlalaro na sina Mark Bringas at John Foronda ay tumapos bitbit ang 11 at 10 puntos upang magkaroon din ng puwersa ang Cagayan Valley.
Naungusan naman ng Zambales M-Builders ang Derulo Accelero, 79-73, dahil sa pag-iinit ni Jett Vidal sa huling yugto ng kanilang laro.
Tumapos ang dating scorer ng University of Perpetual Help Altas taglay ang 21 puntos at apat na tres ang kanyang ginawa sa huling yugto para maibangon ang koponan mula sa 56-64 iskor.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.