Michael V ibinuking na naipatawag na rin ng MTRCB: ‘Meron na kaming lawyer ngayon kapag nagte-taping’
By: Reggee Bonoan
- 1 year ago
Michael V at Vice Ganda
“I BELIEVE na ang MTRCB, sila ‘yung mediator. Kahit naman sabihin nila na, ‘Huwag mong gawin ito,’ puwede mo pa rin namang ipilit kung gusto mo talaga. Kaya lang, magkakaproblema ka.”
Iyan ang paniniwala ng komedyanteng si Michael V o Bitoy tungkol sa naging parusa ng ahensiya sa mga naging violation ng ABS-CBN series na “It’s Showtime“.
Maraming restrictions ang MTRCB lalo na sa mga palabas na may nakalagay na SPG at inamin naman ito ni MTRCB Chairperson Lala Sotto-Antonio na talagang tutok sila sa mga ganitong programa.
“Actually, mas maraming nakatutok sa mga SPG shows, ang daming nagpapadala sa amin kaya kung may nakalusot sa MTRCB, may mga resibong ipinadadala sa opisina namin,” saad ni Ms. Lala nang makapanayam namin sa nakaraang mediacon para sa naging desisyon nila sa kaso ng “It’s Showtime.”
Ganito ang nangyari sa segment ng “Isip Bata” nina Vice Ganda at Ion Perez na napakaraming reklamo ang dumating sa MTRCB at bago naman sila umaksyon ay pinanood muna nila.
Going back to Michael V, naniniwala siya na ang mga manonood o netizens na ang nagsasabi kung ano ang nagugustuhan at hindi nagugustuhan nilang palabas at sila rin ang mga nagsasabi kung nakaka-offend ba ito o hindi.
Sabi pa ni Bitoy, “Ngayon, kung ikaw ay persistent talaga na komedyante, and you want to prove a point, you will find a way para maipaalam sa mga tao, sa netizens at sa MTRCB na, ‘Itong ginagawa ko, hindi mali.’ There are ways.”
Dapat ang mga manonood ay kailangan mong makuha ang suporta para gustuhin ka.
“Du’n pumapasok yung image mo, yung good character mo. And more often than not, kapag totoo ka sa sarili mo, du’n nila malalaman at du’n ka nila susuportahan,” saad pa ng TV host-actor.
Ang restrictions ay nanggagaling nga raw sa society at hindi ka rin naman papayagan ng network mo na maglabas ng bawal, o makaka-offend o will put them in trouble.
“So, we take it on ourselves, kami na ‘yung may self-censorship, actually na-summon na kami ng MTRCB, recently nga nakuha ko ‘yung letter, ise-share ko sa social media para lang mapaalala sa mga tao na talagang nangyayari ito kahit noon pa.
“Ang network supported kami before wala naman kaming mga lawyers kapag nagte-taping kami, ngayon meron na para immediately masabi kaagad kung puwede o hindi, natututo naman kami at naga-abide kami,” kuwento ni Michael V.
Dagdag pa, “Ang objective mo lang naman is magpatawa ng tao, minsan nakakalimot ako at kapag kinausap naman ako, nakikinig naman ako at meet halfway naman at natutuloy naman ang project.”