ABOT-LANGIT ang pasasalamat ng aktor at komedyanteng si Jelson Bay kay Bossing Vic Sotto at sa lahat ng tumulong noong ma-stroke at malagay sa peligro ang kanyang buhay.
Napakatindi rin ng pinagdaanang pagsubok ng aktor mula nang atakihin siya sa puso at tuluyang hindi mapakagtrabaho sa loob ng halos apat na taon.
Ibinahagi ni Jelson sa panayam ng broadcast journalist na si Julius Babao na mapapanood sa YouTube channel nito ang biggest challenge na hinarap sa kanyang buhay simula nang ma-stroke siya noong 2019.
Ayon sa komedyante na napanood sa dating sitcom nina Bossing Vic, Wally Bayola at Maine Mendoza na “Daddy’s Gurl” sa GMA 7, patuloy pa rin siyang nagpapagaling ngayon.
“Economically, I’m trying to meet both ends every month. But, I’m always looking to the brighter side, nagpapasalamat na buhay.
“Kasi sabi nga ng doktor ko, ‘Alam mo, pwede mong natulog ka na lang. Yung iba, tulog na lang. Wala na.’ Yun lang yung nakapitan ko,” sabi pa ng aktor na napanood din sa “FPJ’s Ang Probinsyano” noong 2017.
Ayon kay Jelson, “Nami-miss ko yung trabaho. Mas nalulungkot ako pag nakikita ko yung…yung mga lumang pelikula ko dati.
“‘Ang lakas ko pa diyan! Oh, I can move my hands there,’ sabi ko. Tapos yun nga, yung mga hindi mo na-appreciate, na-appreciate mo ngayon.
“Yung pagbili ng pandesal, napakalaking kayamanan pala. Yung sabi ko nga dati, bago ako ma-stroke, sabi ko, ‘makarating ako ng Italy, Japan,’ sabi ko.
“Ngayon, ang dream ko, gusto ko lang makapunta ng CR nang walang nag-aakay, yung ikaw lang pupunta ng CR. Di ba, napakalaking blessing noon?
“Kasi dati, gusto kong bumili ng caravan, gusto kong bumili ng bahay sa Forbes, yung mga ganu’n. Pero ngayon, God will show you na, ‘No, Jelson, normal ka, mayaman ka na.’
Baka Bet Mo: Robin kinumpirmang hiwalay na sina Kylie at Aljur: Sabi ko lang, tumigil kayo sa social media, nakakahiya!
“Kaya, ayun yung nakita ko ano…grabe yung workshop naman yung sa taas. ‘Ang sakit,’ sabi ko. ‘Masakit na po siya,’ sabi ko. Sabi ko, three years na, baka puwede yung kahit lakad lang pagbili ng pandesal, pahingi ako na ma-allow,” pahayag pa ng aktor.
Ayon kay Jelson, na-stroke siya pagkatapos gawin ang “Finding Agnes”, ang una niyang lead role sa pelikula kung saan nakasama niya si Sue Ramirez. Kinunan ito sa Morocco at ipinalabas sa Netflix noong November, 2019.
“Yung the last day, I think stroke is coming that time. Sakit na, e. Alam nila yun. Sabi nga ng (production), ‘Sir Jels, kung gusto niyo itigil-tigil natin.’
“Ang nasa isip ko that time, in fairness with my manager, pinaii-stop ako. Sabi ni Mommy — shout out, Mommy Rot Racela— sabi niya, ‘Jelson, magpahinga ka,’ kasi naospital na ako nung October, e.
“‘Magpahinga ka, Jelson, kasi nakita ng doktor na may ano ka sa katawan, baka saan ka dalahin yan,” aniya pa.
Pero sa kabila nito, patuloy pa rin siyang nagtrabaho, “Mabigat na yung leg ko at saka pag lumilingon, masakit na. Naluluha ako sa sakit. Hindi na ako kumportable.
“At saka ano, one line pa lang…yung morning, parang one line pa lang na ano, mabilis ko na (makalimutan), hindi ko siya makuha. Sabi ko, ‘Something’s wrong with my system.’
“Pero ang pinanindigan ko noon, parang naiisip ko, ‘This guy (producer) invested a lot to this. Sino taong magbibigay ng project sa taong hindi mukhang leading man?’
“Kaya nga minsan inasar ko sarili ko sa salamin, ‘Sobrang PR mo yan, ayan muntik ka na mamatay, ‘Son,'” sabi ni Jelson.
Hanggang sa isugod na siya sa ospital noong October 18, 2019, dahil sa pneumonia, “I think that led to stroke, e. Kasi kulang yung oxygen na pina-pump sa brain mo. ‘Tapos high blood. ‘Tapos enjoy ka sa work mo, ‘Okey lang.'”
Pagpapatuloy pa niya, “One morning, it’s a beautiful morning, December 6, yung P.A. ko kasama ko pa. Sabi ko, ‘I feel heavy, my legs…’ pagkakita ko ng hagdan, parang heavy siya.
“May inorder ako na chicken flakes kay Boss (asawa niya na si Pinky). Dadalhin ko sana sa nanay ko sa Batangas.”) E, alam ko, mabigat, e. Sabi ko… e, sa Buendia siya nagtatrabaho. Sabi ko sa P.A. ko, ‘Sonny, tulungan mo naman si Boss Pinky…’ kasi mabigat yun, puro bote,” pag-alala pa niya.
Super thankful si Jelson sa kanyang P.A. dahil nagawa nito lahat ng bilin niya sakaling may mangyaring masama sa kanya.
“Naligo pa ako, tapos paglabas ko, weird, foggy na yung utak ko. Humiga ako sa kuwarto. I think mga, around mga eight minutes ako nakatulog na nap. Pagbangon ko, ang weird, di na ako makabangon. Pagbangon ko, di ako makabangon. Sabi ko, ‘Something’s wrong.’ Yun pala hindi ko na ito nagagagalaw (kamay).
“Pasok ko du’n sa kuwarto ng P.A. ko, ‘Sonny, may nararamdaman ako sa katawan, pag kumalampag yung kuwarto, dalhin mo ‘ko sa ospital.
“‘Ito yung mga pangalan, lahat ng letter A kontakin mo, sabihin mo na may nangyari sa akin.’ Sharp naman yung P.A. ko, nagawa niya lahat.
“Pagkalampag yung kuwarto, nakita niya raw ako. Sabi niya, ‘Hindi ko naman intindihan yung sinasabi mo saka yung laway mo, lumalabas na,'” kuwento pa niya.
Tumulong din daw sa kanya ang mga kapitbahay para maisugod agad siya sa ospital, “Buti na lang, God bless me, may nagba-basketball na mga lalaki sa labas. Binuhat ako parang baboy, sinakay ako sa sasakyan ko.
“Ang natatandaan ko, bago ako mag-shutdown, yung nagdadala sa akin sa ospital, si Bert, ‘Sir, huwag kayong matulog, malapit na tayo….’ ‘Sir, huwag kayong matulog, malapit na tayo.’ Kasi traffic, e. Sabi ko, ‘Bilisan niyo, malapit na rin ako,'” aniya pa.
Sa kabutihang-palad naagapan ng mga doktor ang kanyang kundisyon at naoperahan agad siya, “Sabi nga ng doktor ko, e, ‘Yung utak mo, lumobo na, umuumpog na siya sa brain mo. Kung hindi pa naagapan, wala ka na.
“‘At may kasabay ka, mas older lang siya, 70 na siya. Hindi siya naka-survive. Ikaw, okey kasi bata pa yung katawan mo. You’re 40-something. ‘Kaya pasensiya ka na, dito ka na binutas. Minadali ko na.’ Butas ito, e,” ani Jelson sabay turo sa kanyang ulo.
Kasunod nito, nagpasalamat nga nang bonggang-bongga si Jelson kay Bossing Vic dahil sa ibinigay na financial support sa kanya. Naging close sila matapos magkasama sa ilang proyekto.
Pag-amin ni Jelson, “Yung pera ko wala pa, trenta mil, e. Sabi ko, kung wala talaga si Pareng Vic, wala. Talagang ano… kasi yung operation ko, P250 (thousand) na, a.”
“Boss, if I have a direct contact to you e sasakit ang ulo mo, Boss. Salamat, Pareng Vic. Alam ko naman, ikaw ang pinakataya nung maoperahan ako.
“Kaya ang goal ko ngayon, hindi lang gumaling, e. Huwag din ma-stroke kasi napakayabang naman sasabihin ko na pag nagkapera ako, mabayaran kita. Hindi na. Hindi na talaga. Kaya, yun na lang, salamat.
“Kasi kung wala ka, sabi nga ng nanay ko, ‘Lupa ka na, utoy. Lupa na.’ Patawad, kasi four years na, e. Magpo-four na sa December. Salamat, Boss.
“Hindi ako makakontak kasi wala naman akong way. At saka, respeto rin sa…ako pananaw ko, lahat ng tao may giyera sa buhay. So, I’ll give it to you, Boss.
“I miss you, lalo na yung mga pang-okray mo, ‘tsaka yung mga… may style yun, e. Nang-aano na yung nasiko sa ulo, ‘Ay, sorry, natama,'” aniya pa.
Bukod kay Bossing, nagpasalamat din ang comedian kay Tony Tuviera, o Mr. T, na nagbigay na ng tulong sa kanya kahit hindi pa siya nai-istroke.
Samantala, sa isang bahagi rin ng panayam ni Julius kay Jelson, inamin nitong naisipan din niyang tapusin na ang kanyang buhay.
“Pinaplano ko, sabi ko, ‘Paano kayang pinakamadaling kitilin yung life?’ Sabi ko. You feel alone sa bahay. Talagang kausap mo, yung Creator mo lang…ay, yun ang pinakamagandang part ng stroke, lagi mong kausap yung sa Taas, express ka lang, express.
“Sabi ko, ‘Binuhay mo ako pero ganito? Wala akong kaliwang paa? Ano to?’ Kaya pinaplano ko… baka ma-shock ang aking maybahay. Hindi ko lang mai-post.
“Sabi ko, ‘What’s worse than stroke? You cannot even hang yourself.’ Hindi kaya, e…so, paano mo ibubuhol? Tsaka yung hagdan, mababa… Di ba? Sabi ko, Ano to?'”sabi pa niya.
Paalala naman niya sa kanyang asawa, “Relaks lang. Ano lang yun, sumanggi lang, pero nakaraan na yun.”
* * *
Para sa mga nangangailangan ng tulong dahil sa kanilang mental health issues, tumawag lang sa National Center for Mental Health Crisis Hotline: 1553, Landline (02) 7-989-8727 at cellphone number 0966-351-4518.
Hirit ni Angelica bago nalamang buntis na: Napakamaldita ko, nagiging halimaw ako…iyon na pala iyon!