HINDI man diretsahang inamin ng Kapamilya actor na si Joshua Garcia, mukhang super happy naman talaga ang lovelife niya ngayon.
Sa wakas, nagsalita na ang binata tungkol sa relasyon nila ng nababalitang bago niyang girlfriend, ang French-Filipino athlete na si Emilienne Vigier.
Nakachikahan ng ilang members ng entertainment media ang aktor sa naganap na presscon ng bago niyang movie, ang “Fruitcake” mula sa Cornerstone Studios at Create Cinema.
Dito nga siya natanong kung ano nga ba talaga ang estado ng relasyon nila ni Emilienne matapos pagpiyestahan ang kanilang mga social media post na nagpapahiwatig sa kanilang matamis na pagtitinginan.
Ayaw kumpirmahin at ayaw din niyang idenay ang balitang nagkakamabutihan na sila ng atleta base na rin sa mga ipino-post nilang mga litrato at video sa Instagram.
Baka Bet Mo: Tanong ng mga Marites: Joshua Garcia, Emilienne Vigier nagli-live in na nga ba?
“About that, okay, para maklaro na lahat and wala na ring maitanong ang lahat, baka sabihin kasi nila, idene-deny ko ‘yung babae, ‘di ba?” pasakalye ni Joshua.
Sey ng binata, wala siyang itinatanggi at pareho nilang desisyon ni Emilienne na gawing pribado kung anuman ang totoong namamagitan sa kanila.
“Hindi ko siya dine-deny. It’s just that ako and her decided not to share it with everyone kasi ‘yung relationship na ‘yan, eh kami lang naman ‘yung parte du’n, eh.
“Galing na kasi ako sa iba’t ibang klase ng relationship and everytime na sine-share ko siya sa lahat, parang nagkakagulo, nagiging shaky ‘yung relatiohship, eh,” depensa pa ni Joshua.
Dugtong pa niya, mas pahahalagagan niya muna ang kanyang privacy at ng taong pinakamamahal niya ngayon. Less talk nga naman, ay less mistake at less intriga at tsismis.
“Hangga’t maaari kasi, sa panahon ngayon, mas okay kung private na lang tayo,” aniya pa.
Kung hindi kami nagkakamali, si Julia Barretto ang last girlfriend ng binata na maligaya na rin ngayon sa piling ng kanyang dyowang hunk actor na si Gerald Anderson.
Pero in fairness, ang ibang-iba ang awra ngayon ni Joshua. Nag-uumapaw ang kanyang kaguwapuhan at ka-fressness-san! Halata mo talagang super in love siya.
Sa tanong kung matagal na ba siyang in love, “Kung gaano katagal? In love ako everyday!”
Samantala, bukod sa lovelife, swerte rin ang aktor sa kanyang showbiz career, dahil sunud-sunod ang kanyang projects. Kabilang na riyan ang pelikulang “Fruitcake” kung saan kasama pa niya ang kanyang mga kaibigan.
Walang problema kay Joshua kung marami silang bida sa “Fruitcake”, “Actually, mas masaya siya, e. Pag marami kayong bida. Alam mong lahat ay nag-aambag, di ba?
“Mas relaxed. Mas masaya siya. It’s a different experience pag ikaw ang bida. Kasi pag bida ka, lahat po ano e, may pressure sa ‘yo, e. Dapat mataas rating nito, dapat ganyan. Pero pag ganito, mas kalmado,” pahayag pa ng binata.
Ka-join ni Joshua sa movie sina Enchong Dee, Ria Atayde, Heaven Peralejo, Jane Oineza, Dominic Ochoa, KD Estrada, Empoy Marquez, Queenay Mercado, Alex Diaz, Markus Paterson, Noel Comia Jr., Victor Anastacio, Kat Galang, Macoydubs, Red Ollero, Kaila Estrada, at Karina Bautista.
Ito’y mula sa direksyon ni Joel Ferrer na siya ring nagsulat ng script kasama si Miko Livelo. Siyanga pala, ang “Fruitcake” ay mula sa 1996 hit song ng “Eraserheads.”
Related Chika:
Joshua Garcia ipinagluto si Emilienne Vigier, pila para sa binata tinapos na nga ba?