NGAYONG pinirmahan na ni Senate President Franklin Drilon ang subpoena para kay Janet Lim Napoles, marami na ang naghahanda ng kanilang mga tanong.
Kung ikaw ay senador, ano ba ang itatanong mo sa kanya?
Malamang na may magtanong kay Napoles kung sino ang mga kilala niyang senador? At siyempre kung sino ang mga binigyan niya ng pera?
Gustong malaman ng lahat kung gaano siya kayaman, at kung saan nanggaling ang kanyang yaman.
Sa dami ng gustong makapagtanong at sa dami ng nais na itanong, walang masasagot kung ayaw magsalita ni Napoles.
Asahan na hindi papayag si Napoles na ilubog ang sarili dahil sa kanyang salita.
At kung ang mga pahayag ni Napoles at ng kanyang abogado ang pakikinggan, alam mo na walang makakatas sa kanya sa Senate hearing.
Kaya baka sa huli, baka masayang lang ang imbitasyon kay Napoles.
Bukod sa pagkanta ni Napoles, interesado rin ang marami sa magiging pasaringan ng mga senador lalo na ‘yung mga inaasahang magbabanggaan sa 2016 elections.
Syempre kung ngayon pa lamang ay mababaon na sa hukay ng katiwalian ang makakalaban, eh mababawasan na ang kanyang iniintindi.
Kaya may mga nagsasabi nga na proxy war ng mga politiko ang hearing ng Senado.
Ang tanong na lang ay kung sino ang mas magaling magtanong at mag-insinuate para makalamang sa ibang senador.
Nagkasira-sira ang mga lumang simbahan sa Bohol dahil sa magnitude 7.2 na lindol.
Sa kalumaan ng mga ito ay talagang masisira sila sa malakas na pag-uga.
At sa pagkasira ng mga lumang simbahan, ang tanong ay dapat bang tumulong ang gobyerno sa pagpapatayo ng mga ito.
Ang sabi nila, ang pagpapatayo ng simbahan ay hindi dapat pinanghihimasukan ng pamahalaan.
Kapag tumulong ito sa pagpapatayo ng simbahan ng Katoliko dapat ay tumulong din ito sa pagpapatayo ng simbahan ng ilang sekta. Hindi pwedeng may favoritism, at nakasaad yan sa batas.
Sa kabilang banda, may historical value ang mga simbahang nasira. Ginagamit ito ng gobyerno sa turismo upang mapaunlad ang mga bayan. Bahagi ito ng tourism destination ng It’s More Fun in the Philippines.
Eh bakit hindi na lang kaya humingi ng dagdag na donasyon ang simbahan para maipatayo ang mga simbahan?
O kaya ilaan nila ang makokolekta sa second collection sa pagpapagawa nito.
Pahabol na tanong, bukod sa dasal ano raw bang tulong ang ginagawa ng Simbahan ngayon para sa mga nasalanta ng lindol?
Para sa komento at tanong, i-text ang TROPA, pangalan, edad, lugar at mensahe sa 09178052374.
Disclaimer: The comments uploaded on this site do not necessarily represent or reflect the views of management and owner of Bandera. We reserve the right to exclude comments that we deem to be inconsistent with our editorial standards.